Pisay

Pisay matatanggap na karagdagang P413M

164 Views

MATATANGGAP ng Philippine Science High School System (PSHSS) ang karagdagang P413 milyon sa susunod na taon upang mapondohan ang unang pagtaas ng scholarship grants sa loob ng sampung taon, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian.

Inaasahang susuportahan ng dagdag na pondo ang 10,935 iskolar sa 2026. Sa kasalukuyan, tumatanggap ang mga full scholars ng P4,000 kada buwan, samantalang P500 hanggang P3,500 naman para sa mga partial scholars. Sa ilalim ng bagong pondo, tatanggap ng P8,000 kada buwan ang mga full scholars, habang P4,000 naman para sa mga partial scholars.

Ayon kay Gatchalian, na siyang Chairman ng Senate Committee on Finance, layunin ng pagtaas na tulungang maiwasang huminto sa pag-aaral ang mga iskolar sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin sa araw-araw at sa edukasyon. Dagdag pa niya, makapagbibigay ito ng mas patas na tulong para sa mga mag-aaral, lalo na yaong mula sa mahihirap na pamilya at liblib na lugar.

“Panahon na upang itaas ang halagang ibinibigay natin sa ating mga Philippine Science High School scholars. Mahalagang tiyakin nating sapat ang suporta natin para sa kanila upang maipagpatuloy nila ang kanilang pag-aaral at matapos nila ang programa,” ani Gatchalian.

Ang PSHSS ay isang sistema ng mga pampublikong science high school sa ilalim ng Department of Science and Technology na may 16 na kampus sa buong bansa. Nagbibigay ito ng libreng matrikula, allowance, at iba pang tulong para sa mga piling mag-aaral sa larangan ng agham, teknolohiya, inhinyeriya, at matematika. Ang pagtaas ng allowance ay itinuring na tulong sa mga pamilya ng mga estudyanteng labis na apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at pamumuhay.