Bonifacio

Diwa ng Katipunan idiniin sa Araw ni Bonifacio

221 Views

NANAWAGAN si Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa mga Pilipino na magkaisa laban sa “pagbaha ng nakawan sa pamahalaan” sa paggunita ng Araw ni Bonifacio, habang idinidiin ang diwa ng Katipunan sa ginanap na “Trillion Peso March.”

“Ngayong Araw ni Bonifacio, nagsasama-sama tayo sa Trillion Peso March laban sa pagbaha ng nakawan sa pamahalaan,” pahayag ni Pangilinan. “Ang gobyerno, imbes na pugad ng serbisyo para sa taumbayan, naging pugad ng katiwalian para sa iilan. Tangan ang diwa ng Katipunan, punitin natin ang sedula ng korapsyon. Ikulong ang mga kawatan. ‘Ika nga sa mga misa ng ilang linggo na, ang tao may pananagutan at may pananagutin.”

Inilabas ang pahayag habang nagtitipon ang mga mamamayan sa Metro Manila at iba pang lungsod upang iprotesta ang umano’y iregularidad sa paggamit ng pondo ng gobyerno, kabilang ang mga proyekto sa flood-control at imprastruktura.

Naglabas din ng kani-kanilang mensahe sa Araw ni Bonifacio ang ibang senador. Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, “ang integridad sa paglilingkod ay tunay na pagsasabuhay ng pagiging makabayan,” habang sinabi ni Senadora Risa Hontiveros na ang tapang ni Bonifacio ay “dapat magsilbing inspirasyon sa pagbabantay laban sa disimpormasyon at pang-aabuso sa kapangyarihan.”