PNP

HOLIDAY RUSH SAFETY: PNP NAGBABALA SA PUBLIKO, IWAS-NAKAW, IWAS-SUNOG

211 Views

SA nalalabing 25 na araw bago ang Pasko, muling pinaaalalahanan ng Philippine National Police, sa ilalaim ng pamumuno ni Acting Chief PNP Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang publiko na magdoble-ingat ngayong unti-unti nang dumadami ang tao sa mga mall, pamilihan, terminal, at iba pang pook-pasyalan dahil sa holiday rush.

Ayon kay Acting Chief PNP, Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr., dapat samahan ng pag-iingat ang kasiyahan ng Kapaskuhan. “Panahon ito ng kasiyahan at pagtitipon, pero habang nag-e-enjoy tayo, let’s also look out for one another. Tandaan natin, ang puso na marunong magbigay ay pusong pinagpapala—and part of giving is keeping ourselves and our communities safe,” aniya.

Habang dumarami ang tao sa mga pampublikong lugar, payo ng PNP na iwasan ang pagdadala ng malaking halaga ng pera at gumamit ng digital payments para makaiwas sa mga insidente ng pandurukot at snatching. Dapat ding nakadikit palagi ang bag sa katawan at iwasang idisplay ang mga mamahaling gamit sa publikong lugar.

Dagdag pa ni Nartatez, pinalalakas ng PNP ang seguridad upang makasabay sa dami ng mga mamimili at biyahero. “Buong pwersa po ng PNP ay naka-deploy sa mga matataong lugar. But safety becomes more effective kapag nagtutulungan tayong lahat.”

Pinaaalalahanan din ang mga biyahero at commuter na maging alerto sa mga terminal at sakayan. Mas mainam na gumamit ng ATM sa mga ligtas at maliwanag na lugar gaya ng malls, tiyaking nakalock nang maayos ang sasakyan bago ito iwan, at beripikahin ang plate number at driver details kapag gumagamit ng ride-hailing services. Para naman sa mga dadalo sa Christmas parties, paalala ng PNP ang responsableng pag-inom at pag-iwas sa pagtanggap ng inumin mula sa hindi kilalang tao.

Sa loob ng tahanan, mahalagang siguraduhing nakasarado at naka-lock ang mga pintuan, bintana, at gate bago matulog o umalis ng bahay. Paalala rin na regular na suriin ang Christmas lights at extension cords upang maiwasan ang sunog, at siguraduhing naka-unplug ang mga ito kapag hindi ginagamit. Babala rin ng PNP na huwag mag-post ng real-time travel plans o larawang nagpapakitang walang tao sa bahay, dahil maaari itong pagmulan ng panganib.

Pinaalalahanan din ni PNP Spokesperson at Chief PIO, Police Brigadier General Randulf T. Tuaño, ang kahalagahan ng pagiging handa at maingat. “Habang papalapit ang Pasko, talagang mas nagiging abala ang lahat. Kaya we encourage everyone to plan ahead, maging mapanuri sa paligid, at huwag kalimutan ang basic safety habits. Minsan, simpleng pag-iingat ang nagliligtas sa disgrasya,” aniya.

Dagdag pa ni PBGEN Tuaño, epektibo lamang ang kampanya kontra krimen kung may kooperasyon mula sa komunidad. “Nandito ang PNP—visible, ready, and approachable. Pero tandaan natin, ang kaligtasan ay shared responsibility,” dagdag niya.

Tiniyak ng PNP ang mas pinalakas na police visibility sa mga commercial centers, transport hubs, simbahan, at iba pang matataong lugar ngayong holiday season. Sa pamamagitan ng disiplina, pag-iingat, at pagtutulungan ng lahat, hangad ng PNP ang isang masaya, mapayapa, at ligtas na pagdiriwang ng Pasko para sa buong bansa.