Senate

Bicam para sa 2026 budget magiging bukas na sa publiko

224 Views

DAPAT lamang na bukas sa publiko.

Ito ang tinuran at kinumpirma ni Senador Sherwin Gatchalian na magiging na bukas sa publiko ang bicameral conference para sa 2026 pambansang budget — isang makasaysayang hakbang para tiyakin ang transparency at hadlangan ang mga kontrobersyal na biglaang insertion.

“Yes, live siya. Ayan ang suggestion ni SP Sotto,” ani Gatchalian, na tumutukoy kay Senate President Vicente Sotto III. Inaasahang gaganapin ang bicam mula Disyembre 11 hanggang 13 sa isang pasilidad ng gobyerno sa Intramuros, Maynila.

Bilang chair ng Senate Committee on Finance, sinabi ni Gatchalian na nagkasundo sila ni Rep. Suansing mula sa Kamara sa dalawang pangunahing alituntunin: bawal ang “alien” o bagong proyekto, at dapat ay sa mga hindi pinagkakasunduang probisyon lang ang talakayan. “Let’s limit it to the disagreeing provisions,” giit niya.

Aminado siyang maaaring samantalahin ng ilang mambabatas ang bukas na talakayan para sa pagpapapansin, ngunit nanindigan siyang kayang pagsabayin ang pagiging bukas at epektibong deliberasyon. “I would propose na ganoon na lang, na wala na tayong pag-uusapan outside of those,” dagdag niya.

Nauna nang nabigyan ng access ang mga civil society group sa mga uploaded na ulat ng komite. Nangako rin si Gatchalian na ilalabas online ang bersyon ng third reading upang masubaybayan ng publiko ang mga pagbabago sa budget.

Target na pirmahan ang bicam report sa Disyembre 16, habang nakatakda namang lagdaan ang final budget sa Disyembre 29.