SM SM CITY CABANATUAN’S GRAND MAGICAL CHRISTMAS PARADE DINAGSA. litrato ni: STEVE A. GOSUICO.

Libu-libo dumagsa sa Grand Magical Christmas Parade ng SM City Cabanatuan

Steve A. Gosuico Dec 1, 2025
296 Views

SM1CABANATUAN CITY – Libo-libong Novo Ecijano ang dumalo upang saksihan sa kauna-unahang pagkakataon ang inaabangang “Grand Magical Christmas Parade” (GMCP) ng SM City Cabanatuan mall nitong Sabado.

Isa ang GMCP sa pinakamahalagang atraksyon at first time-ever na ibinonggang tradisyon sa Kapaskuhan ng SM Supermalls dito sa lungsod, ayon kay Sheree-Anne B. Eugenio, SM City Cabanatuan PR manager.

Dalawang beses ang showing nito sa mall, dakong alas dos at alas singko ng hapon na pinakaabangan ng mga bata at kanilang magulang. At nang dumagundong ang musika, ang buong mall ay biglang sumambulat sa saya at hiyawan.

Itinampok sa parada ang kaakit-akit na grupo ng mga karakter sa Kapaskuhan– mga mapaglarong duwende, mga sumasayaw na laruan, kumikinang na mga diwata, at mga klasikong icon ng Pasko na nagdulot ng ngiti sa bata’t matanda.

Para sa mga bata, ang malapitang pagtingin sa mga karakter sa kwentong kasinglaki ng buhay ay isang mahiwaga at di-malilimutang karanasan.

Higit pa sa biswal na palabas, ang kaganapan ay sumasalamin sa init at pagkakaisa ng mga Novo Ecijano. Dumalo ang mga pamilya hindi lamang para manood ng palabas, kundi para magbuklod, magdiwang, at lumikha ng mga alaala.

Sumasalamin din ito sa lumalaking papel ng SM bilang isang tunay na sentro ng komunidad — hindi lamang para sa pamimili at kainan, kundi pati na rin bilang isang lugar para sa mga pagtitipong kultural, pagdiriwang ng kapaskuhan, at mga karanasang nakasentro sa pamilya na nagpapatibay sa mga lokal na ugnayan.

Dagdag ni Eugenio, dahil napakaraming dumalo ngayong taon, maituturing bilang isang bagong holiday tradition ang kauna-unahang GMCP sa SM City Cabanatuan na nagpapalaganap ng kagalakan, pagkamangha, at tunay na diwa ng Pasko sa mga Novo Ecijano.