Madrona

TNVS drivers dapat tutukan–Rep. Madrona

Mar Rodriguez Dec 5, 2025
454 Views

HINIHILING ni Romblon Rep. Eleandro Jesus “Budoy” Madrona sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na tutukan ngayong holiday season ang mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) para mabantayan ang iba’t-ibang anyo ng pananamantala ng mga drayber sa mga pasahero.

Ayon kay Madrona, chairman ng House Committee on Tourism, karaniwang nakakaisip ng hindi kanais-nais na gimmick ang ilang abusadong TNVS drivers tuwing Holiday season.

Kabilang sa masamang gimmick ang paniningil ng mataas na pamasahe at kanselasyon ng biyahe kapag nakitang malayo ang paghahatiran.

Taun-taon na lamang maraming commuters ang nagrereklamo dahil sa mataas na pamasahe sapagkat may mga drayber ang sinasamantala ang peak season bunsod na rin ng mataas na demand sa sasakyan, ayon sa pulitiko.

Sinabi ng kongresista na kailangang kumilos ang LTFRB para mabigyan ng nararapat na proteksiyon ang napakaraming commuters laban sa pananamantala ng ilang abusadong TNVS drivers.

Magagawa ito sa pamamagitan ng pagbabalangkas ng isang mekanismo para mapanatiling reasonable ang pamasahe sa holiday season.

Pinangunahan din ni Madrona ang pagkilala sa husay ng mga estudyante na lumahok sa Division Science and Mathematics Fair and Robotics Competition sa Romblon.

“Sa patuloy nating pagtataguyod ng isang bayang matalino, masaya po akong makita ang pagsasakatuparan ng isang adhikain lamang para sa larangan ng siyensiya at robotics sa lalawigan ng Romblon,” ani Madrona.