IPC

Batas na lilikha ng IPC isinusulong na ipasa agad

258 Views

NANAWAGAN si Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa agarang pagpasa ng batas na lilikha ng Independent People’s Commission (IPC) kasunod ng pagbibitiw ni dating Public Works Secretary Rogelio “Babes” Singson mula sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Ayon kay Pangilinan, ipinakita ng pagbibitiw ni Singson ang limitasyon ng ICI at ang pangangailangan para sa isang mas malakas na komisyon na may sapat na kapangyarihan upang imbestigahan ang umano’y katiwalian sa mga proyektong pang-imprastruktura ng pamahalaan. Nag-resign si Singson dahil umano sa edad, kalusugan at stress.

“Lalong naging mahalaga na maipasa itong IPC—Independent People’s Commission—para matugunan yung ilang dahilan bakit nagbitiw,” ani Pangilinan.

Si Pangilinan, na pinamumunuan ang Senate Committee on Justice and Human Rights, ang nagsusulong ng panukalang batas na magtatatag ng IPC bilang independent fact-finding body. Sinabi niyang limitado ang kapangyarihan ng kasalukuyang ICI na nilikha sa ilalim ng Office of the President.

“They need more teeth, kailangan nila ng mas malawak na kapangyarihan para magawa nila yung trabaho nila. Hindi biro yung mga hinaharap nila na issues dahil napaka-kontrobersiyal ng kasong ito,” aniya, ukol sa mga imbestigasyon sa umano’y ghost at substandard infrastructure projects.

Sa panukala, maaaring maglabas ng subpoena ang IPC, magsuspinde o mag-freeze ng assets habang iniimbestigahan ang kaso, at sundan ang money trail ng mga kahina-hinalang kontrata. May kapangyarihan din itong mag-cite in contempt, irekomenda ang suspensiyon ng professional licenses, magbigay ng immunity sa mga testigo, at makipag-ugnayan sa mga ahensiya para sa travel restrictions.

Maaari rin nitong i-suspend o i-blacklist ang mga contractor mula sa government procurement system, pansamantalang ipasara ang mga kumpanyang iniimbestigahan, i-sequester ang assets, at mag-deputize ng NBI, PNP, CIDG at iba pang law enforcement agencies.

“Lahat ‘yan gusto natin ibigay sa kanila,” ayon pa kay Pangilinan. Dagdag niya, mababawasan nito ang pananaw na may “sacred cows” sa mga kaso ng katiwalian. Kung limitado ang kapangyarihan, patuloy umanong mahihirapan ang anumang komisyon na ipatupad ang imbestigasyon.

Binigyang-diin ni Pangilinan na mula nang malikha ang ICI noong Setyembre, dumarami ang reklamong may kinalaman sa umano’y iregularidad sa flood-control at iba pang infrastructure projects sa buong bansa. Ani niya, pinakamalaking naaapektuhan ang mga komunidad na paulit-ulit na binabaha at humaharap sa problema sa mga sirang kalsada.

Naniniwala ang senador na ang mas malakas at independent na komisyon ay makatutulong sa pagpapanumbalik ng tiwala ng publiko at sa pagtiyak na mananagot ang sinumang sangkot sa katiwalian. Hinikayat niya ang Malacañang na i-certify as urgent ang panukala upang mapabilis ang pag-apruba ng Kongreso.