Jeep

DOTr: No dagdag pasahe sa old, modern jeeps

Jun I Legaspi Dec 5, 2025
297 Views

HINDI muna magpapatupad ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng P1 hanggang P2 taas pasahe sa mga traditional at modern jeepney matapos ang rollback sa presyo ng diesel.

Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, hindi rin napapanahon sa ngayon ang taas sa pamasahe.

“Malaki ang magiging epekto ng taas pasahe sa ekonomiya at sa pangkalahatan, lalo na’t bumabangon pa lang ang ilang probinsyang nasalanta mula sa matinding kalamidad tulad ng nakaraang lindol at bagyo,” sabi ng kalihim.

Ayon kay LTFRB Chairperson Vigor Mendoza, limang rehiyon ang mariing tumututol sa panukalang dagdag pasahe.

Kabilang dito ang Central Luzon, CALABARZON, Bicol Region, Central Visayas at Metro Manila—mga lugar na matinding naapektuhan ng mga kalamidad.

Ayon din sa pag-aaral ng Department of Economy, Planning and Development (DepDev), ang pagtataas ng P1 hanggang P2 base fare ng jeepney ay maaaring magpataas ng inflation rate sa susunod na dalawang taon.

Ayon kay Secretary Lopez, hindi lamang ang mga komyuter at ang kanilang pamilya ang apektado, kundi pati na rin ang mga pamilya ng mga tsuper at operator sakaling aprubahan ang fare hike.

Lubos na nauunawaan ng Department of Transportation (DOTr) at LTFRB ang mga hinaing ng transport groups at ilang mga suhestiyon na kanilang nabanggit sa isinagawang consultation meetings.

Sinabi ng kalihim na naghahanap na ang DOTr at LTFRB ng mga alternatibong paraan para matulungan ang mga tsuper at operator.

Isa sa mga nakikitang paraan ay ang pagpapa-igting sa kampanya laban sa kolorum.

Magtatatag ang DOTr at LTFRB ng Anti-Colorum Task Force, katuwang ang Department of Justice (DOJ) at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), para tugisin ang mga protektor at sindikato sa likod ng mga ilegal na operasyong ito.

Lumalabas na 30 porsyento ng arawang kita ng mga lehitimong Public Utility Vehicle (PUV) drivers at operators ay kinukuha o napupunta sa mga colorum operation.

“Hahabulin at huhulihin natin ang mga sangkot sa ilegal na operasyong ito. Hindi titigil ang DOTr at LTFRB sa pagtugis sa inyo dahil kapakanan ng mga lehitimong PUV drivers, at maging mga commuter ang nakasalalay dito,” sabi ni Secretary Lopez.