Hontiveros

Hontiveros: Paano naging Pinoy si Joseph Sy?

517 Views

NAGPAHAYAG ng pag-aalala si Senador Risa Hontiveros nitong Lunes kaugnay ng pagpasok sa bansa ng mga dayuhan na umano’y nakakuha ng mga dokumentong Pilipino, batay sa kanyang pahayag sa pagdinig ng Senate Subcommittee on Justice and Human Rights.

Sa pagdinig, sinabi ni Hontiveros na si Joseph Sy ay nakakuha ng Filipino identity documents at kalaunan ay nakaugnay sa Philippine Coast Guard Auxiliary, na aniya ay katuwang ng pamahalaan sa mga operasyong pandagat.

“Ang tanong, paano siya naging Pilipino? Legal ba ang pagkakakilanlan niya o ginawa lamang para magkaroon ng espesyal na access? Kailangang matigil na ang pang-aabuso sa ating mga batas at sistema,” ani Hontiveros.

Dagdag pa niya, batay sa mga pagdinig ng Senado, may mga pagkakataon umanong sinasamantala ng mga dayuhang pugante at economic criminals ang mga kahinaan sa dokumentasyon, koordinasyon ng mga ahensya, at mga humanitarian framework.

Kinuwestiyon naman ni Senador Raffy Tulfo ang Bureau of Immigration kung bakit hindi agad naipa-deport si Sy matapos matuklasan na ang fingerprints sa kanyang Philippine passport ay tumugma sa fingerprints ng Chinese national na si Chen Zhong Zhen.

“Kung nalaman ninyo na may dalawang passport siya sa magkaibang pangalan, ano ang ginawa ng BI? Hindi ba dapat agad siyang dineport?” tanong ni Tulfo sa pagdinig.

Sinabi ni Immigration Commissioner Jose Anthony Viado na nagsagawa ang BI ng imbestigasyon at sinimulan ang proseso ng kanselasyon ng Philippine passport ni Sy.

Ayon kay Viado, matapos makumpleto ang imbestigasyon noong Agosto 18, 2025, naglabas ang Office of the Commissioner ng mission order na humantong sa pag-aresto kay Chen Zhong Zhen noong Agosto 21.

Sinabi ni Viado na inaresto si Chen dahil sa maling pag-aangkin ng pagkamamamayang Pilipino, pagiging undesirable alien, at paglabag sa mga kondisyon ng kanyang pananatili sa bansa.