Calendar
Sunog Apog Pumping Station na 8 taong nakatengga, may solusyon na


IBINAHAGI ni Manila Mayor Francisco Isko Moreno Domagoso ang isinagawang pag-inspeksiyon sa pasilidad ng Sunog Apog Pumping Station sa Tondo, Manila, Martes ng umaga.
Matapos ang ilang taong paghihintay at serye ng masusing pag-aaral, tuluyan nang natukoy ang ugat ng problema.
Higit sa lahat, may malinaw na, maayos, at pangmatagalang solusyon na para sa mga residente sa lugar.
Ang inspeksyon ay pinangunahan nina Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, Public Works Secretary Vince Dizon at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes.
“Now, with those times spent studying it, today magkakasama tayo. At least masaya akong ibabalita sa mga kapitbahay namin dito sa Sunog Apog na alam na ang problema at may maayos at pangmatagalang solusyon na,” pahayag ni Mayor Isko.
Ipinaliwanag ng alkalde na ang naibalik na pump gate ay inayos ng PRIME BMB, ang pribadong kontratista ng Department of Public Works and Highways (DPWH), bilang panimulang hakbang sa tuluyang rehabilitasyon ng pumping station. Nagpaabot din siya ng pasasalamat sa national government sa agarang pagtugon sa matagal nang isyu.
“We would like to thank MMDA Chairman and Secretary Vince, the National Government, and Prime Infra to really find a solution—a permanent, long-lasting solution for this neighborhood,” dagdag ng alkalde.
Sa oras na ganap nang makumpleto ang proyekto, inaasahang ililipat ang pamamahala at operasyon ng Sunog Apog Pumping Station sa MMDA sa Setyembre 2026.

