Tulfo Ramon Tulfo

Tweety bird kay Tulfo: Dela Rosa aarestuhin na

332 Views
Bato
Sen. Bato dela Rosa

NAGLABAS ng pasabog sa kanyang Facebook account si Ramon Tulfo kung saan nakasaad na ayon sa kanyang “tweety bird,” aarestuhin na nitong Disyembre 20 si Sen. Bato dela Rosa.

Base sa post ni Tulfo, tukoy na raw ng mga awtoridad kung saan nagtatago ang senador at may hawak na umanong warrant mula sa International Criminal Court.

Ang naturang warrant ay may kaugnayan sa kasong crimes against humanity na isinampa laban kay Bato kaugnay ng madugong kampanya kontra droga noong siya ay hepe pa ng Philippine National Police.

Matatandaang matagal nang inuugnay si Bato sa mga alegasyon ng walang habas na pagpatay sa mga hinihinalang drug users at pushers noong kasagsagan ng giyera kontra droga.

Ayon pa sa lumalabas na impormasyon, sinasabing ang ilan sa mga napatay noon ay diumano’y mga tauhan ng drug syndicates na kalaban ng grupong sinasabing may proteksiyon ng dating administrasyon.

Dagdag pa sa alegasyon, binanggit sa post na may mga personalidad umanong nailigtas noon ng pulisya kahit kalaunan ay lumitaw na konektado sa malalaking sindikato ng droga ― isang isyung patuloy na binubusisi sa international level.

Sa ngayon, wala pang opisyal na kumpirmasyon mula sa mga awtoridad ukol sa umano’y pag-aresto.

Gayunman, patuloy na binabantayan ng publiko ang susunod na mangyayari habang umiinit na naman ang usapin ng pananagutan sa madugong drug war.