Laurel

Dec. ’26 expiration ng sugar import ban–DA

Cory Martinez Dec 21, 2025
312 Views

HANGGANG Disyembre 2026 ang ban sa importasyon ng asukal at hindi Setyembre kung kailan natatapos ang pagtatanim, ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr.

Sinabi ng kalihim na ang pagpapalawig ng ban ay para proteksyunan ang mga local producers sa gitna ng magandang kondisyon ng supply.

“Batay sa kasalukuyang pagtaya sa produksiyon at pangangailangan ng asukal, ang mas mahabang import moratorium kaysa sa naunang iminungkahi ay kailangan,” ani Tiu Laurel.

Tinukoy niya ang malakas na output sa domestic raw sugar. Binigyang-diin ni Tiu Laurel na layunin ng policy na gawing prayoridad ang lokal na produkto ng asukal at mapatatag ang merkado.

Bilang chair ng Sugar Board–ang policy making body ng Sugar Regulatory Administration (SRA)–sinabi ni Tiu Laurel na palalakasin ng ahensiya ang monitoring at refinery operations upang mapanatili ang wastong imahe ng standard at premium-grade na reserba ng refined sugar.

Ang mahigpit na pagsubaybay ay mahalaga upang mapigilan ang mga sagabal sa supply at ispekulasyon sa presyuhan.

Bukod sa import ban, isinasapinal na ng DA at SRA ang matagal ng naantalang balangkas ng regulasyon para sa importasyon ng molasses.

Sa ilalim ng mungkahi, ang mga gumagamit ng molasses ay kinakailangan munang bumili at gumamit ng gawang lokal na molasses.

Kapag natugunan ang mga patakarang ito – at batay sa itinakdang ratio – ay saka pa lamang papayagan ang importasyon, alinsunod sa pag-apruba ng SRA.

Ang planong sistema ay umaayon sa naunang Sugar Order No. 2 (SO2) mechanism, na nag-uugnay sa mga prebilihiyo sa pagluluwas at pag-angat sa aktuwal na pagbili sa lokal na asukal.

Sa pamamagitan ng pinalawig na import ban at pinahigpit na mga patakaran sa molasses, ipinahihiwatig ng DA ang mas matatag na paninindigan sa polisiya sa asukal.