Coding

Number coding suspendido ng MMDA simula Martes

Edd Reyes Dec 22, 2025
329 Views

SUSPENDIDO na simulartes, Disyembre 23, 2025 ang expanded number coding scheme ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) hanggang sa araw ng Pasko at maging sa Disyembre 29 hanggang Enero 2, 2026.

Sa inilabas na kalatas ng Public Information Office (PIO) ng MMDA, awtomatikong sinususpinde ang number coding kapag regular at special non-working holidays, habang ang pagsuspinde naman sa hindi regular na holiday ay ibinabatay sa Memorandum Circular No. 111 ng Office of the President.

Sa ilalim ng inilabas na kautusan ng tanggapan ng Pangulo, walang pasok sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan sa nabanggit na mga araw upang mabigyan ng sapat na oras ang mga kawani na makapagdiwang ng Bagong Taon.

Pinayuhan naman ni MMDA Chairman Atty. Don Artes ang mga bibiyahe ngayong panahon ng Kapaskuhan na planuhing mabuti ang kanilang biyahe, sumunod sa batas trapiko, at mag-ingat sa pagmamaneho.

Iwasan din aniya ang pagpo-post sa social media ng kanilang destinasyon upang hindi makatawag pansin sa mga kawatan na magsasamantala sa mga bahay na walang naiiwang taga-bantay.