Shopping

Shopping mart nilooban, P1M nadale

300 Views

PINASOK ng kawatan ang isang shopping mart sa Balayan, Batangas at mahigit sa P1 milyon ang natangay, ayon sa report noong Miyerkules.

Tinutugis daw ng mga pulis ang isang hindi kilalang suspek na tumangay ng milyong halaga ng pera mula sa New-Star shopping mart Inc. sa Brgy. District 4, Balayan, Batangas.

Ang insidente ay natuklasan ng manager na si Shaobo Li, 50, ayon sa report.

Ayon sa salaysay ng testigo sa mga pulis-Balayan, bandang alas-8:20 ng umaga ng matuklasan niya ang insidente.

Sinabi niya na nakunan ng CCTV ang suspek na pumasok sa opisina ng establisyimento dakong alas-3:33 ng madaling araw at binuksan ang ilang drawer sa loob at tila naghahanap ng mahahalagang bagay.

Lumapit pa umano ang suspek sa CCTV camera at inaayos ito pataas, malamang upang maiwasan ang pagkakakilanlan.

Ang halagang iniulat na nakuha mula sa kabinet na bakal ay tinatayang humigit-kumulang sa P1.1 milyon.