DOTr

ROW isyu sa MMSP lutas 90.76%, NSCR 56% noong ’25–DOTr

Jun I Legaspi Jan 9, 2026
168 Views

MAY kabuuang 90.76% right-of-way (ROW) isyu ang nalutas ng Department of Transportation (DOTr) noong 2025 na nagpagaan sa konstruksyon ng Metro Manila Subway Project (MMSP) habang 56% ng lupa ang nakuha para sa pagtatayo ng North-South Commuter Railway (NSCR) System north segment.

Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, noong Pebrero 2025 ay nasa 51% lamang ang nakuha para sa MMSP at 2% para sa NSCR North segment.

Sa pamumuno ni dating Kalihim Vince Dizon at Lopez, naresolba ng DOTr ang mga pangunahing bottleneck ng MMSP, kabilang ang Varilla Properties at mga ari-arian sa White Plains, Corinthian Gardens at Metrowalk.

Pinabilis ng DOTr ang proseso ng Right-of-Way and Site Acquisition (ROWSA) sa pamamagitan ng pagdaragdag ng tauhan mula 200 tungo sa 900 upang mapabilis ang proseso; pagsasagawa ng capacity building at mga pagsasanay para sa pagpapalawak ng kaalaman at kasanayan ng workforce.

Lumobo ang bilang ng mga nabiling ari-arian para sa NSCR North segment mula 38 parcels noong Pebrero 2025 tungo sa 1,143 parcels pagsapit ng Disyembre 2025.

Sinabi ni Lopez na sa kasalukuyang progreso, matatapos ng DOTr ang ROW acquisition para sa NSCR North segment sa kalagitnaan ng 2026.

Para naman sa NSCR South segment, apat sa 19 istasyon ang nalinis na ang ROW.

Ang mga ito ang EDSA, Cabuyao, Sta. Rosa, Laguna at Banlic depot.