Silvio

QCPD tumugon sa 1,426 na tawag sa 911 noong ’25

284 Views

MAHIGIT 1,400 emergency calls sa Unified 911 Emergency Response System ang natugunan ng Quezon City Police District (QCPD) mula Enero hanggang Disyembre 2025, ayon sa hepe ng police district.

Sa kabuuan, 1,426 emergency ang natanggap ng QCPD, Ayon kay P/Col Randy Glenn Silvio, acting director ng QCPD.

Tiniyak ng QCPD ang mabilis na pagtugon sa iba’t-ibang insidente sa lungsod alinsunod sa adhikaing serbisyong tapat, mabilis at nararamdaman at sa Triple A Program ng National Capital Region Police Office.

Kabilang sa mga tinugunang tawag ang mga aksidente sa kalsada, gulo, away sa pamilya, pagnanakaw, pananaksak, pamamaril, panggugulo, sunog, illegal parking, kahina-hinalang mga indibidwal, missing persons, droga, rape at iba pang krimen.

Pinakamarami sa mga tawag ang road crash incidents, 428; nuisance o istorbo, 316; at creating trouble, 199.

Ayon kay PCOL Silvio, patunay lamang ito na aktibong katuwang ang QCPD sa Unified 911 System.

“Hindi titigil ang QCPD sa pagbibigay ng aksyon sa bawat tawag ng mamamayan,” sabi ni Silvio.