Calendar
Porter ‘sinaksak’ ng sikyu, dedo
PATAY ang isang 62-anyos na porter matapos umanong pagsasaksakin ng isang security guard kasunod ng mainitang pagtatalo habang nag-iinuman sa loob ng kanilang pinagtatrabahuhan sa Barangay Doña Imelda, Quezon City, nitong Huwebes.
Ayon sa pulisya, dakong alas-8:55 ng gabi nang mangyari ang insidente sa harap ng nasabing establisimyento sa Kapiligan Street.
Base sa imbestigasyon, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima na isang porter at ang suspek na security guard ng kumpanya, habang sila ay nag-iinuman kasama ang iba pa nilang katrabaho. Sinubukan umanong awatin ng dalawang saksi ang dalawa ngunit lalo pang lumala ang sitwasyon.
Nabatid na armado ng kutsilyo ang biktima at tinangkang lapitan ang suspek. Sa gitna ng komosyon, bumunot umano ang suspek ng long-nose pliers at agad na sinaksak sa dibdib ang biktima.
Kahit bumagsak na sa lupa si Idloy, patuloy pa rin umano ang pananaksak ng suspek na naging sanhi ng agarang pagkamatay ng biktima.
Agad na tumakas ang suspek matapos ang insidente subalit naaresto rin ng mga pulis ng PS-11, QCPD habang tinatangka umanong tumakas. Nabawi rin ang ginamit na sandata sa krimen.
Nakapiit na ngayon ang suspek at mahaharap sa kasong homicide o murder, habang patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya.

