Dayuhan

BI inaresto 83 dayuhan na nagtitinda ng ilegal sa Baclaran mall

Jun I Legaspi Jan 10, 2026
178 Views

INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) noong Miyerkules ang 83 dayuhan dahil sa ilegal na pagbebenta ng sari-saring items sa Baclaran.

Ayon kay Fortunato Manahan Jr., Hepe ng BI Intelligence Division, isinagawa ang operasyon matapos ang ilang linggong pagmamanman at beripikasyon.

Isinagawa ng mga operatiba ng BI ang operasyon sa isang retail center sa Baclaran, batay sa mission order na inilabas ni BI Commissioner Joel Anthony Viado.

Kabilang sa mga naaresto ang 68 Bangladeshi, 14 Tsino at isang Indian national.

Ilan sa mga dayuhan ay may hawak na valid visa ngunit sangkot sa retail trade na ipinagbabawal sa ilalim ng batas ng Pilipinas. Labing-walo sa kanila ay may tourist visa lamang at 6 ang sumasailalim sa beripikasyon ng pagkakakilanlan.

Nahaharap ang mga dayuhan sa mga kasong paglabag sa imigrasyon kabilang ang hindi dokumentadong pananatili, maling representasyon at paglabag sa RA 8762 o Retail Trade Liberalization Act.

Binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na ang pagkakaroon ng visa ay hindi awtomatikong nagbibigay ng pahintulot upang magtrabaho o magnegosyo sa bansa.

“Malinaw ang direktiba ng Pangulo—ang ating mga batas sa imigrasyon ay dapat ipatupad nang mahigpit at walang kinikilingan,” sabi ni Viado.

Ang lahat ng naarestong dayuhan ay dinala sa kustodiya ng BI para sa dokumentasyon at inquest proceedings.