Student

Bebot, 19, nag-lock sa silid, ‘nagbaril’ sa sarili

256 Views

PINANINIWALAANG nagbaril sa sarili ang 19-anyos na babaeng college student sa loob mismo ng silid ng kanilang tirahan Biyernes ng gabi sa Antipolo City.

Isinugod pa ng kanyang ama sa Clinica Antipolo Hospital ang biktima subalit idineklarang patay na ng attending physician sanhi ng tama ng bala sa hindi binanggit na bahagi ng katawan.

Sa pahayag ng 43-anyos na ama ng biktima sa pulisya, nagtaka siya kung bakit naka-lock ang pinto ng silid ng kanyang anak nang dumating siya sa kanilang bahay sa Nayong Silangan, Barangay Dalig, Antipolo City, Rizal, dakong alas-6 ng gabi, base sa report ng Tactical Operation Center ng Antipolo Police.

Nang hindi sumagot sa katok ang biktima, kinuha ng ama ang duplicate key at nang buksan, tumambad sa kanya ang nakahandusay na duguang katawan ng anak at sa tabi nito ang armas na pinaniniwalaang ginamit sa pagbaril sa sarili.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, walang indikasyon na puwersahang pinasok ang silid ng dalaga at wala ring gamit na nawala, kaya kumbinsido ang pamilya na nagpatiwakal ang dalaga at wala na silang intensiyon na pa-imbestigahan pa ang insidente sa pulisya.

Nakuha naman ng pulisya sa silid ng biktima ang isang basyo ng bala at ang kalibre .9mm pistol na kargado pa ng 12 bala sa magazine.

Napag-alamang pag-aari at lisensiyado sa pangalan ng ama ng dalaga ng hanggang Enero 3 pa ng taong 2033 ang baril.

Wala namang malinaw na paliwanag ang pamilya ng biktima kung bakit nagawa ng kanilang anak ang magbaril umano sa sarili. Nina EDD REYES & GIL AMAN