DepEd

Mas makatao, nakatuon sa guro na classroom observation bubuuin

Arlene Rivera Jan 10, 2026
193 Views

ANG Department of Education (DepEd) ay hindi magsususpinde ng classroom observation, bagkus ay babaguhin at aayusin ang sistema upang maging mas makatao, sumusuporta, at nakatuon sa mga guro.

Mas maaga sa linggong ito, isang guro sa Lungsod ng Muntinlupa ang nasawi habang isinasagawa ang isang nakatakdang classroom observation.

Kinikilala ng DepEd ang mga alalahaning ibinangon ng mga guro kaugnay ng classroom observation, at tiniyak ni Education Secretary Sonny Angara na nananatiling prayoridad ang kapakanan ng mga guro.

Kapag isinasagawa nang tama, makatao, at may malinaw na layunin, mananatiling mahalagang kasangkapan ang classroom observation sa pagpapabuti ng kalidad ng pagtuturo at ng resulta ng pagkatuto ng mga mag-aaral.

Nilinaw rin ng DepEd na ang classroom observation ay hindi nilalayong maging high-stakes o maparusang proseso. Ito ay idinisenyo upang maging formative, sumusuporta, at kolaboratibo—isinasagawa sa loob ng mga paaralan at sa pagitan ng mga kapwa guro—upang palakasin ang kultura ng pagtutulungan at sama-samang pagkatuto.

Sa halip na ganap na suspensiyon, gumagawa ang Kagawaran ng mga bagong patnubay upang lumayo sa tradisyunal at mataas ang tensiyong mga pamamaraan.

Kabilang sa mga ito ang ganap na classroom observation kung kinakailangan; maiikli at nakatuong 5 hanggang 10 minutong walkthrough observations; instructional rounds; at mapanuring, batay-sa-datos na feedback mechanisms na layong suportahan ang mga guro nang hindi nagdadagdag ng hindi kinakailangang pressure.

Ayon kay Secretary Angara, ang mga repormang ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos na pangalagaan at suportahan ang mga guro.

“Hindi namin sinasuspinde ang classroom observation dahil mahalaga ito sa kalidad ng pagtuturo at sa resulta ng pagkatuto ng mga mag-aaral. Ang binabago namin ay ang sistema—mula sa high-stakes patungo sa mas makatao at supportive na mga pamamaraan. Malinaw ang bilin ng Pangulo: alagaan ang ating mga guro,” pahayag ni Angara.

“Nagpapasalamat kami kay Teacher Agnes Buenaflor at sa lahat ng ating mga guro habang patungo tayo sa mas makabago at teacher-centered na mga pamamaraan. Muli, malinaw ang bilin ng Pangulo: alagaan ang ating mga guro,” dagdag niya.

Layunin ng mga repormang ito na matiyak na ang classroom observation ay mananatiling may saysay at nakapagpapalakas, habang pinananatili ang propesyonal na pamantayan at pinangangalagaan ang kapakanan ng mga guro. Patuloy na tinatanggap ng Kagawaran ang mga mungkahi habang pinauunlad nito ang mga patakaran para sa mas mahusay na pagtuturo at mas mabuting pagkatuto para sa lahat.