Calendar
9.64M DEBOTO – Naitala nitong taon ang pinakamaraming deboto na lumahok sa Traslacion ng Nazareno sa kasaysayan ng bansa.
Simbahang Quiapo kinumpirma na 4 deboto nasawi sa Traslacion
KINUMPIRMA ng mga opisyal ng Simbahan ng Quiapo na apat ang nasawi sa gitna ng engrandeng prusisyon ng Hesus Nazareno, na tumagal ng halos 31 oras mula nang umalis ito sa Quirino Grandstand sa Luneta ng madaling araw ng Biyernes.
Batay sa pinal na datos mula sa Philippine National Police (PNP), Quiapo Church at sa City Government of Manila, umabot sa 9,640,290 ang kabuuang bilang ng mga debotong dumalo sa Kapistahan ng Mahal na Poong Hesus Nazareno.
Mula alas-3 ng hapon ng pahalik noong Huwebes, Enero 8, hanggang alas-10 ng umaga ng traslacion nitong Sabado, Enero 10, naitala ang Nazareno 2026 bilang kapistahang may pinakamaraming debotong dumalo sa kasaysayan.
Umabot sa 30 oras, 50 minuto at 1 segundo ang traslacion. Nag-umpisa ang prusisyon ng alas-3:58 ng umaga ng Enero 9 sa Quirino Grandstand, hanggang alas-10:50 ng umaga ng Enero 10 nang makapasok sa Quiapo Church ang Itim na Nazareno.
Ayon sa PNP, ang mga nasawi ay isang 30-anyos at isang 41-anyos na mga residente ng Maynila at ang photojournalist na si Armelito Son, na inatake sa puso habang ginagampanan ang kanyang tungkulin bilang mamamahayag sa isinagawang pahalik at traslacion ng Itim na Nazareno. Ang isa pang lalaking nasawi ay hindi pa na-identify.
Hiniling ni Fr. Ramon Jade Licuanan, rektor ng Minor Basilica at Pambansang Dambana ng Hesus Nazareno — na mas kilala bilang Simbahan ng Quiapo — sa mga deboto na ipagdasal na wala nang madaragdag pang casualty at na makauwi nang ligtas ang lahat sa kani-kanilang pamilya.
“Nais kong humiling at manawagan sa lahat, mangyaring ipanalangin po natin na hindi na madagdagan ang bilang ng mga nasawi, at na makabalik ang andas sa Simbahan ng (Quiapo), at higit sa lahat, na makauwi nang ligtas ang ating mga kapuwa deboto sa kanilang mga pamilya at tahanan,” pahayag niya sa isang press conference sa Pope Benedict XVI Building sa Quiapo, Manila, umaga ng Sabado.
Sinabi niya na pansamantalang huminto ang traslacion sa Simbahan ng San Sebastian upang magsagawa ng tradisyunal na “Dungaw,” kung saan nagkikita ang Hesus Nazareno at ang kanyang ina na si Birheng Maria.
Nakatulong ang paghinto upang makapagpahinga ang mga boluntaryo at deboto.
“Pinili namin ang pinakamainam na opsyon sa panahong iyon, at iyon ay ang pansamantalang pananatili sa parokya ng San Sebastián upang makapagpahinga ang aming mga boluntaryo, na ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya upang maging ligtas ang traslacion para sa lahat,” aniya.
Matapos ang maikling paghinto, nagpatuloy ang traslacion.
Bandang alas-8:55 ng umaga ng Sabado, o halos 29 oras mula nang magsimula, naroon ang prusisyon sa paligid ng Quezon Bridge, Carlos Palanca sa Hidalgo Street, ayon sa Command Post ng Simbahan ng Quiapo.
Samantala, iniulat ni Nazareno 2026 spokesperson Fr. Robert Arellano na umabot na sa 1,700 ang nasugatan, kung saan 29 na kaso ang mahigpit na mino-monitor.
“Magbibigay kami ng mga update ukol sa mga casualty sa sandaling makuha namin ang pinal na detalye,” ani Arellano.
Tinanong kung ano ang maaaring dahilan ng mabagal na usad ng prusisyon ngayong taon, sinabi ni Arellano na maraming tao ang humaharang sa daraanan ng andas, kaya ito bumabagal.
“Isa pang salik ay ang pag-akyat ng mga deboto sa andas. Sa kabila ng aming panawagan na huwag itong akyatin, pinipili pa rin ng ilan na gawin ito bilang bahagi ng kanilang debosyon,” dagdag niya, at binanggit na ang pagkapagod ay maaari ring nakaapekto sa mabagal na galaw ng karwahe.
Tiniyak din niya na maayos ang kondisyon ng andas, taliwas sa mga ulat na may problema ito, partikular sa mga gulong.
“Ang aming andas ay gumagana nang maayos. Ang dahilan kung bakit ito natitigil ay dahil sa mga debotong humaharang dito,” paliwanag niya.
Binanggit din niya na magsasagawa sila ng mga pagbabago bilang bahagi ng kanilang pagsusuri.
“Magkakaroon kami ng agarang ebalwasyon. Gaya ng palagi naming sinasabi, bawat taon ay isang bagong karanasan. Taun-taon ay may natututunan kami. Itinatala ang aming kasalukuyang mga karanasan at magsisilbi itong batayan para sa mga susunod na pagdiriwang,” dagdag ng opisyal ng Simbahan ng Quiapo. May ulat mula PNA

