Ridon Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon

Mga alegasyon ni Madriaga dapat i-vet — Ridon

186 Views
Madriaga
Ramil Madriaga

MAAARING kailanganin ang isang pormal na imbestigasyon ng Kamara upang beripikahin ang mga alegasyon ni Ramil Madriaga, kung nanaisin ng mga grupong naghahanda ng bagong reklamong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte na isama ang kanyang sinumpaang salaysay bilang isa sa mga batayan ng kaso, ayon kay Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon nitong Sabado.

Binigyang-diin ni Ridon, chairman ng House committee on public accounts, na bagaman ang isyu ni Madriaga ay hindi pa pormal na bahagi ng anumang reklamong impeachment, hindi maaaring balewalain ng Kongreso ang kanyang sinumpaang alegasyon, lalo na kung ito ay gagamitin sa mga pagdinig na maaaring magdulot ng mga konstitusyonal na implikasyon.

“If they want it as one of the grounds,” ani Ridon, tumutukoy sa mga posibleng maghain ng impeachment compaint, “Congress will ultimately have to require corroborative evidence.”

Iniulat na ang ilang miyembro ng civil society at mga complainant sa apat na pinagsamang reklamong impeachment laban sa Pangalawang Pangulo ay balak muling ihain ang kaso at palakasin ito ng bagong ebidensiya, kabilang ang pagsisiwalat ni Madriaga.

Ipinaliwanag ni Ridon na kasalukuyang nakabinbin ang mga impeachment proceedings habang hinihintay ng Kongreso ang desisyon ng Korte Suprema sa mosyon para sa reconsideration (MR) na inihain ng ika-20 Kongreso, kaugnay ng desisyon ng mataas na hukuman sa unang reklamong impeachment laban kay VP Duterte.

“It is very important for the Supreme Court to resolve this MR because this will provide the next steps for Congress in the event that an impeachment complaint is filed by the 6th of February, 2026,” ani Ridon.

Binanggit niya na inaasahan ng Kamara na kikilos ang mataas na hukuman sa loob ng tatlo hanggang apat na linggo, ngayong natapos na ang bar examinations at gumaan na ang kalendaryo ng Korte.

Ayon kay Ridon, ang magiging resulta ng MR ang magtatakda kung ipagpapatuloy ng Senado ang impeachment proceedings na naipadala na rito, o kung kakailanganin ng Kamara na iproseso ang mga bagong reklamong impeachment sa ilalim ng binagong mga patakaran na itatakda ng Korte Suprema.

Sa ganitong konteksto muling lumutang ang mga tanong kaugnay ng alegasyon ni Madriaga, lalo na sa gitna ng diskusyon kung maaari bang isama ang kanyang affidavit bilang ikatlong batayan ng impeachment, kasabay ng isyu sa confidential funds at umano’y banta laban sa Pangulo, Unang Ginang at dating Speaker ng Kamara.

“Mr. Madriaga’s allegations are grave,” saad ni Ridon. “Even without it being part of a ground for impeachment, I guess the Congress can look at it.”

Binigyang-diin ni Ridon na ang imbestigasyon ng Kamara ay hindi kailangang dumaan lamang sa House committee on justice, at maaaring pag-aralan din ng ibang komite gaya ng quad committee, lalo na kung may kaugnayan ito sa pakikipagsabwatan ng pamahalaan at operasyon ng sindikato.

Nang tanungin kung maaaring gamitin ang affidavit ni Madriaga bilang ebidensiya sa isyu ng confidential funds, sinabi ni Ridon na ito ay premature pa.

“It just needs a little bit more particularity in the allegations,” aniya.

Dagdag pa ni Ridon, kakailanganin ng Kongreso ang corroborative proof, sa pamamagitan ng karagdagang mga saksi o dokumentaryong ebidensiya, upang maitatag ang direktang kaugnayan ni Madriaga kay VP Duterte.

Nang tanungin kung naniniwala siyang totoo ang affidavit, naging maingat si Ridon.

“We have to look at the entirety of the evidence at this point,” aniya. “We’re not denying that it’s not true. But I think many of the House members would want to see a little bit more details.”

Kumpirmado rin ni Ridon ang mga ulat na maaaring magsumite si Madriaga ng ikalawang affidavit.

“I know there’s one affidavit, but I heard from the lawyer that I think there will be a clarificatory affidavit. So let’s wait for that,” sinabi niya.

Bilang abogado, sinabi ni Ridon na may ilang aspeto ng mga pahayag ni Madriaga na maaaring beripikahin, habang ang iba ay nananatiling hindi nasasagot o naipaliwanag na ng mga opisyal ng pamahalaan.

“There are aspects that are verifiable,” aniya. Gayunpaman, binanggit niya ang pahayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na nilinaw na bagaman pumunta ang Pangalawang Pangulo sa Bicutan, hindi niya nakatagpo si Madriaga kundi bumisita kay dating Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr.

Sinabi rin ni Ridon na maaaring kailanganin ng Kamara na makipag-ugnayan sa Commission on Audit (COA) upang beripikahin ang pahayag ni Madriaga na minsan siyang nagsilbi bilang empleyado ng gobyerno o confidential agent.

“We need to know the status of his job order, contract of service, or plantilla,” wika ni Ridon. “So, of course, you can coordinate with the Commission on Audit on the matter.”

Gayunpaman, nagbabala si Ridon na ang background ni Madriaga ay tiyak na magpapakomplikado sa anumang imbestigasyon.

“He’s not a saint,” ani Ridon. “He’s not a personality that’s easy to trust.”

Gayunpaman, sinabi ni Ridon na dapat bigyan si Madriaga ng pagkakataon na sumailalim sa pagsisiyasat ng Kongreso kung magkakaroon ng imbestigasyon.

“That’s where the evidence will be proven if you’re just making up stories,” aniya. “If it’s just a story, at the end of the cross-examination, your story will be revealed.”

Binigyang-diin ni Ridon na ang pagkakaroon ng imbestigasyon sa Kamara bago ang anumang bagong paghahain ng impeachment ay nakasalalay sa mga maghahain ng reklamo.

“But the truth is,” aniya, “the debate for all of these months has never been about the substantive issues on confidential funds and the threats. It has always been about the process.”

Habang naghahanda ang Kongreso para sa posibleng paghahain ng mga reklamong impeachment matapos ang paglipas ng one-year bar sa Pebrero, sinabi ni Ridon na kailangang timbangin ng mga mambabatas ang kanilang susunod na hakbang upang maiwasan ang procedural missteps na maaaring makasira sa buong proseso.

“We really don’t want to put aside what he said,” ani Ridon tungkol kay Madriaga. “But everything has to be examined carefully and in accordance with due process.”