Malacanan

Special non-working day sa 5 lugar idineklara

250 Views

NAGDEKLARA si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng ilang special non-working days sa iba’t ibang bahagi ng bansa bilang paggunita sa mga lokal na pagdiriwang at mahahalagang okasyon.

Sa bisa ng Proclamation No. 1125, na nilagdaan ni Marcos noong Enero 5, idineklara ang Pebrero 23 bilang special non-working day sa Baguio City bilang paggunita sa Ibaloi Day, na nagbibigay-parangal at nagdiriwang sa kultura ng mga Ibaloi, isa sa mga katutubong grupo sa Rehiyong Cordillera.

Sa ilalim naman ng Proclamation No. 1120, idineklara ang Enero 20 bilang special non-working day sa Lipa City, Batangas kaugnay ng Coffee Festival ng lungsod, isang taunang pagdiriwang upang parangalan ang mayamang tradisyon ng Batangas sa pagtatanim ng kape at ang katayuan nito bilang isa sa mga pangunahing rehiyon ng produksyon ng kape sa bansa.

Kilala ang Lipa sa mga kape nitong Arabica at Robusta, at itinatampok ng festival ang kasaysayan, kultura, at ekonomiya ng kape sa Batangas.

Samantala, idineklara ng Proclamation No. 1121 ang Enero 26 bilang special non-working day sa Carigara, Leyte, kapalit ng Enero 25 na tumapat sa Linggo, upang mabigyang-daan ang pakikilahok ng mga residente sa pagdiriwang ng ika-455 anibersaryo ng pagkakatatag ng bayan.

Ayon sa Proclamation No. 1122, idaraos ang special non-working day sa Enero 23 sa lalawigan ng Bulacan bilang paggunita sa anibersaryo ng pagpapasinaya ng Unang Republika ng Pilipinas, na ginanap sa Barasoain Church sa Lungsod ng Malolos.

Ang Unang Republika ng Pilipinas ang kauna-unahang konstitusyonal na republika sa Asya, na pormal na itinatag noong Enero 23, 1899, matapos ang Rebolusyong Pilipino laban sa pananakop ng Espanya. Ito ay pinasinayaan sa Barasoain Church sa Malolos, Bulacan, kung saan si Emilio Aguinaldo ang naging unang pangulo.

Sa bisa naman ng Proclamation No. 1123, itinakda ang Enero 19 bilang special non-working day sa Pagadian City, Zamboanga del Sur kaugnay ng taunang Pasalamat Festival 2026, na gaganapin mula Enero 12 hanggang 19.

Isinagawa ang deklarasyon alinsunod sa kahilingan ng Office of the Mayor upang mabigyang-daan ang mga residente na ganap na makilahok at mag-enjoy sa mga aktibidad ng pagdiriwang.

Ang Pasalamat Festival ay isang linggong pagdiriwang ng kultura at pasasalamat na tampok ang mga gawaing panrelihiyon, street dancing, parada, trade fairs, cultural shows, at iba pang aktibidad ng komunidad na nagtatampok sa mga lokal na tradisyon, produkto, at talento.

Karaniwang nagtatapos ang festival sa isang engrandeng parada o street presentation na nagpapakita ng pagkamalikhain ng iba’t ibang barangay o grupo.

Nilagdaan ni Marcos ang Proclamations Nos. 1120 hanggang 1123 noong Disyembre 23, 2025.