Droga

4 na lungga ng droga dinurog ng PDEA

Alfred Dalizon Jan 11, 2026
176 Views

APAT na tagong drug den ang nawasak ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa magkakahiwalay na anti-narcotics operations sa mga probinsiya noong Miyerkules.

Kasunod ito ng direktiba ni PDEA Director General, Undersecretary Isagani R. Nere na paigtingin pa ang kampanya laban sa mga drug den sa bansa na tinukoy bilang “breeding ground for violence and criminality” at sanhi ng kaguluhan sa komunidad.

Isa sa mga drug den na matatagpuan sa Rosary Heights 11, Cotabato City, ay nawasak ng pinagsanib na puwersa ng PDEA-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at lokal na pulisya matapos ang isang buy-bust operation.

Naaresto sa operasyon ang apat na suspek na pinamumunuan ng 48-anyos na si “Kamlon” na nasa regional target list at kinilalang tagapamahala ng drug den. Kasama niya sina alyas “Amir,” 40; “Abo,” 31; at “Sam,” 49, na pawang residente ng Cotabato City.

Nakumpiska mula sa kanila ang 19 na heat-sealed plastic sachets na naglalaman ng 17 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P115,600, buy-bust money na may marked bill at iba’t ibang drug paraphernalia.

Sa Cebu City, sinalakay ng PDEA Region 7 agents, kasama ang lokal na pulisya, ang isang tagong drug dive sa Sitio Pablo, Barangay Labangon, bandang alas-2:20 ng hapon ng Miyerkules.

Naaresto ang 45-anyos na operator na kilala sa alyas na “Alvin” at ang kanyang mga bisita na sina “Tereso,” 46, at “Jaime,” 24, parehong construction workers.

Nakumpiska mula sa kanila ang pitong sachet ng shabu na may timbang na 10 gramo at halagang P68,000, ang buy-bust money at iba-ibang drug sniffing paraphernalia.

Sa isa pang anti-narcotics operation sa Sitio San Jose, Brgy. Sambag 1, natuklasan ang isa pang drug dive bandang alas-5 ng hapon ng Miyerkules.

Naaresto ang 51-anyos na operator ng drug dive na si “Gasya” at anim pang kasama na sina alyas “Peejey,” 30; “Christian,” 27; “Louie,” 50; “Glenn,” 43; “Jessa,” 32; at “Henry,” 49, lahat residente ng Malabuyoc, Cebu.

Dalawang 16-anyos na lalaki mula sa Brgy. Sambag 1 ang nailigtas at nasa pangangalaga ng Cebu City Social Welfare and Development Office.

Nakumpiska ang 19 sachets ng shabu na may timbang na 8 gramo at halagang P54,400, ang buy-bust money at iba-ibang drug paraphernalia.

Sa Pampanga, sinalakay ng PDEA Region 3 ang isang makeshift drug den sa Brgy. Sta. Cruz, Porac, bandang alas-6:20 ng hapon ng Miyerkules.

Naaresto ang 59-anyos na operator na si alyas “Teds” at ang kanyang mga kasabwat na sina alyas “Bill,” 33; “Lex,” 30; at “Isa,” 36.

Nakumpiska ang apat na sachet ng shabu na may timbang na 6 gramo at halagang P40,800, mga drug paraphernalia at ang buy-bust money.

Lahat ng nakumpiskang droga ay isinailalim sa pagsusuri ng mga PDEA Regional Office Laboratory, habang ang mga suspek ay nakakulong sa PDEA lockup facilities.

Sasampahan sila ng kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa ilalim ng RA 9165, ang pagbebenta at possession ng dangerous drugs at maintenance ng drug den, dive o resort ay may parusang habambuhay na pagkakulong at multa hanggang P10 milyon.

Ang pagbisita naman sa drug den ay may parusang hanggang 20 taon na pagkakulong at P500,000 multa.