Col. Agosto Asuncion Ilocos Sur Police Director Col. Agosto Asuncion

Vigan bagsakan ng shabu mula Manila; babaeng tulak swak sa selda

Christian Supnad Jan 11, 2026
216 Views

CAMP PRES. QUIRINO, Ilocos Sur – Sinabi nitong Linggo ng isang mataas na opisyal ng pulisya na ang mga malalaking supply ng shabu dito ay nanggagaling ng Manila.

Ang balitang ito ay pumutok matapos masakote ang suspected drug pusher na babae noong Biyernes sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Bulala, Vigan City.

Ayon kay Col. Agosto M. Asuncion, police director, galing pa sa Manila ang mga binabagsak na shabu sa lalawigan.

Nahuli ng kanyang mga tauhan, na pinamumunuan ni PMaj. Roger W. Baling-oay Jr., OIC ISPDEU Lead Unit, sa aktong nagbebenta ng shabu ang 45-anyos na suspected pusher sa buy-bust operation.

Nakumpiska mula sa suspek ang humigit-kumulang na 46.74 gramo ng white crystalline substance na shabu na may market value na P317,832, ayon kay Asuncion.

Sinabi ni Asuncion na nakumpiska ng pulis sa suspek ang isang maliit na heat sealed transparent plastic sachet na may lamang shabu na buy-bust item; 13 maliliit na heat sealed transparent plastic sachet ng shabu; isang genuine P500 bill na buy-bust money na may Serial No. AC7350095 na may markings na RAT; dalawang pirasong machine copy na P1,000 bill na may Serial No. WE939998; isang maliit na brown paper; isang maliit na itim na belt bag; isang maliit na itim na pouch; isang plastic mini pack Tic Tac candy container; isang unit ng OPPO 9 cellular phone at isang unit ng Rusi 150 (pink food cart).

“The inventory and markings of the pieces of evidence were done on-site in the presence of mandatory witnesses and the suspect, as mandated by law. The entire operation was documented through the use of a BWC/ARD,” pahayag ni Asuncion.