Enforcer

2 ‘traffic enforcers’ suspendido ng 90 araw ang lisensya

201 Views

SUSPENDIDO ng 90 araw ang lisensya ng isang rider na umano’y nagpapanggap na traffic enforcer, habang hinihintay ang paliwanag kaugnay ng isang viral video na nagpapakita ng ilang paglabag sa batas-trapiko, ayon sa Land Transportation Office (LTO).

Batay sa ipinalabas na show cause order ng LTO, ang preventive suspension ay ipinatupad habang tinutukoy ang pananagutan ng sangkot na rider sa insidenteng kumalat sa social media nitong mga nakaraang araw.

Naglabas din ang LTO ng show cause order laban sa rider at sa rehistradong may-ari ng isang Honda motorcycle na makikita sa viral video na bumibiyahe sa pampublikong kalsada. Makikitang ang rider ay nakasuot ng vest na may markang “traffic enforcer,” habang ang kanyang angkas, na pinaniniwalaan ding traffic enforcer, ay walang suot na helmet. Napansin din na ang motorsiklo ay lumiko pakanan nang walang wastong signal light, na malinaw na paglabag sa mga patakaran sa trapiko.

Inatasan ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang rehistradong may-ari at ang nasabing rider na humarap sa Intelligence and Investigation Division ng LTO sa East Avenue, Quezon City sa Enero 15, 2026, alas-10 ng umaga. Inutusan din silang magsumite ng nakasulat at sinumpaang paliwanag upang ipakita kung bakit hindi sila dapat managot sa mga kasong reckless driving, failure to use signals on starting, stopping or turning, at paglabag sa mandatory use of motorcycle helmet.

Ayon kay Lacanilao, kinakailangang ipaliwanag ng rider kung bakit hindi dapat suspindihin o bawiin ang kanyang lisensya sa batayang pagiging improper person to operate a motor vehicle.

Habang dinidinig ang kaso at sa sandaling matukoy ang pagkakakilanlan ng rider, agad na isinailalim sa preventive suspension sa loob ng 90 araw ang kanyang driver’s license, at inatasan siyang isuko ito sa panahon o bago ang itinakdang petsa ng pagdinig.

Idinagdag ng LTO chief na pansamantalang inilagay sa “alarm” status ang naturang Honda motorcycle habang isinasagawa ang pagdinig, na nangangahulugang hindi ito maaaring isailalim sa anumang transaksyon sa nasabing panahon.

Nagbabala si Lacanilao na ang kabiguang humarap at magsumite ng kinakailangang paliwanag ay ituturing na pagwawaksi ng karapatang marinig, at ang kaso ay dedesisyunan batay sa mga ebidensiyang hawak ng ahensya.

Muli niyang pinaalalahanan ang publiko na mahigpit na sundin ang mga batas-trapiko at mga panuntunan sa kaligtasan sa kalsada, at iwasan ang anumang kilos na maaaring magdulot ng panganib sa sarili at sa kapwa motorista.