Calendar
Senado inudyok kilalanin koponan ng PH sa 33rd SEA Games
NAGHAIN si Senador Jose “Jinggoy” Estrada ng magkakahiwalay na resolusyon upang kilalanin ng Senado ang mga pambansang koponan ng Pilipinas matapos ang serye ng gintong medalya sa 33rd Southeast Asian Games.
Kabilang sa mga resolusyong inihain ang pagkilala sa Gilas Pilipinas men’s at women’s basketball teams, sa Philippine women’s national football team o Filipinas, at sa men’s at women’s national softball teams matapos ang kanilang mga tagumpay sa palaro.
Sa Senate Resolution No. 248, kinilala ni Estrada ang sunod-sunod na gintong medalya ng men’s at women’s basketball teams ng Gilas Pilipinas matapos talunin ang host na Thailand sa finals.
“Both teams’ stellar achievements firmly cement the country’s reputation as a basketball powerhouse in the region and are therefore deserving of the highest commendation from the Senate,” ayon kay Estrada.
“Ang panalong ito ay hindi lamang medalya — ito ay simbolo ng sipag, disiplina, at puso ng atletang Pilipino. Sa kabila ng matitinding hamon, pinatunayan ng Gilas na walang makapipigil sa determinasyon ng Pilipino,” dagdag niya.
Sa pamumuno ni coach Norman Black, winalis ng men’s team ang torneo matapos talunin ang Malaysia at Vietnam sa preliminaries, ang Indonesia sa semifinals, at ang Thailand sa finals sa iskor na 70–64. Ito ang ika-20 men’s basketball title ng bansa sa SEA Games mula 1977.
Samantala, sa ilalim ni coach Patrick Henry Aquino, tinalo ng women’s team ang Malaysia at Singapore, pinatalsik ang defending champion Indonesia, at sinelyuhan ang gintong medalya sa panalo laban sa Thailand, 73–70. Ito ang ikatlong women’s basketball gold ng Pilipinas sa huling apat na edisyon ng SEA Games.
Sa Senate Resolution No. 247, hiniling din ni Estrada ang pagkilala sa Filipinas matapos ang kauna-unahang gintong medalya ng bansa sa women’s football. Tinalo ng koponan ang Vietnam sa penalty shootout, 6–5, noong Disyembre 17, 2025 sa Chonburi Stadium sa Thailand.
“Their historic success marks another important milestone for Philippine sports and for Filipina athletes rising as a new force in football. This monumental achievement brings immense pride and honor to the country and deserves to be celebrated by the entire nation,” ani Estrada.
Matapos ang unang pagkatalo sa Myanmar, bumawi ang Filipinas sa mga panalo laban sa Vietnam at Malaysia, tinalo ang host na Thailand sa semifinals sa penalty shootout, at muling nanaig laban sa Vietnam sa finals. Bago ang tagumpay na ito, dalawang bronze medals lamang ang nakuha ng Pilipinas sa women’s football mula 1985.
“The Filipinas’ victory is more than just a medal — it is a milestone for Philippine sports and a powerful symbol of what Filipina athletes can achieve on the international stage,” dagdag ni Estrada.
Sa Senate Resolution No. 246, kinilala rin ang men’s at women’s national softball teams ng Pilipinas.
“The Blu Girls’ and Blu Boys’ noteworthy achievements in the SEA Games bring immense pride and honor to the country, and they deserve commendation and recognition from the Senate,” ayon sa senador.
Winalis ng Blu Girls ang lahat ng kanilang laban at ipinagtanggol ang titulo sa panalo laban sa Singapore, 4–1, sa finals, para sa kanilang ika-11 sunod na SEA Games gold medal at 46 taong pagiging undefeated sa women’s softball mula 1979. Pinamunuan ang koponan ni coach Ana Santiago.
Samantala, muling nabawi ng Blu Boys ang gintong medalya matapos talunin ang Singapore, 3–0, sa finals, para sa kanilang ikasiyam na SEA Games title mula 1979 sa ilalim ni coach Jasper Cabrera.
Ayon kay Estrada, pinataas ng pinagsamang tagumpay ng mga koponan ang kabuuang medalya ng Team Philippines at sumasalamin sa disiplina, pagtutulungan, at katatagan ng mga atletang Pilipino sa kabila ng iba’t ibang hamon.
Sa pamamagitan ng mga resolusyon, pormal na kinilala ng Senado ang ambag ng mga atleta sa bansa at sa pag-angat ng Philippine sports sa rehiyon.

