Mister

Misis tinarakan ni mister, dedo; suspek natagpuan sa loob ng balon

291 Views

KAMPO HENERAL MALVAR, Batangas — Sa tulong ng drone sa operasyon ng paghahanap, nasakote ang isang lalaki na umano’y sumaksak at pumatay sa kanyang partner Huwebes ng gabi sa San Jose, Batangas, ayon kay Batangas Police Director PCol. Geovanny Sibalo.

Ang biktima ay 42-taong-gulang na babae, asawa ng suspek, self-employed at residente ng Barangay Tugtug, San Jose.

Ang 44-anyos na suspek na kinilalang si alyas “Ell” ay tindero ng itlog at residente ng Brgy. Tugtug. Siya’y inaresto bandang alas-9:30 ng gabi noong Enero 15, sa loob ng isang malalim na balon na matatagpuan sa nabanggit na barangay.

Ang insidente ay naganap bandang alas-5:30 ng hapon sa parehong petsa sa Brgy. Tugtug.

Napag-alamang ang mag-asawa ay nagkaroon ng pagtatalo kung saan kumuha ng kutsilyo ang suspek at sinaksak ang asawa at pagkatapos ay mabilis na tumakas.

Kahit may tama ay tumakbo ang biktima ngunit nabigo at kalaunan ay bumagsak na duguan sa harap ng kanilang bahay.

Mabilis na naisugod ang babae sa San Jose District Hospital. Gayunpaman, siya ay idineklarang dead on arrival ng sumuring manggagamot.

Kaagad kumilos ang mga kapulisan sa pangunguna ni PMaj. Neil Christoper Gaspar, officer-in-charge, at sa tulong ng Drone Team mula sa Batangas Police Provincial Office na pinangunahan ni PCpt. Argie Gonzales ay natuklasan ang heat signature ng suspek sa pamamagitan ng thermal imaging ng drone.

Agad siyang natagpuan na nagtatago sa loob ng isang malalim na balon.

Ang naarestong suspek ay dinala sa San Jose District Hospital para sa medikal na pagsusuri.

Narekober ng mga otoridad ang isang kutsilyo na may bakas ng dugo sa pinangyarihan ng krimen.

Inihahanda ng San Jose Municipal Police Station ang kasong parricide laban sa suspek para sa referral sa Office of the Provincial Prosecutor-Batangas.