Calendar
CAAP nagkaroon ng wildlife hazard training
NAGSAGAWA ng on-the-job training sa wildlife hazard management noong Enero 14–15 ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa pamamagitan ng Bicol International Airport (BIA).
Ang pagsasanay, na isinagawa sa pakikipagtulungan sa Mastermark Pte Ltd., ay naglalayong palalimin ang kaalaman ng mga kalahok hinggil sa wildlife hazard management at bigyan sila ng praktikal na kasanayan sa pagtukoy ng mga panganib, pagsusuri ng mga risk, at pagpapatupad ng mga hakbang upang maiwasan ang mga banta sa loob ng paliparan.
Pinagsama ang teorya at praktikal na aplikasyon sa programa na nagbigay sa mga kalahok ng mga kasangkapan upang matukoy, masuri at mabawasan ang mga panganib mula sa wildlife.
“Napakahalaga ng pagsasanay na ito dahil nagbibigay ito ng praktikal na kaalaman at hands-on na karanasan na magpapahintulot sa ating mga tauhan na tumugon nang epektibo sa mga panganib mula sa wildlife at magpatupad ng mga estratehiya upang mapangalagaan ang operasyon ng aviation,” pahayag ni CAAP Director General Raul Del Rosario.
Nanatiling nakatuon ang CAAP sa pagtitiyak na ang mga tauhan ng paliparan ay handang pamahalaan ang mga panganib mula sa wildlife.

