Calendar
Mga LGU malapit sa Bulkang Mayon, Kanlaon pinaghahanda sa lahar
NANAWAGAN ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na pamahalaan (LGU) sa paligid ng Bulkang Mayon at Bulkang Kanlaon na manatiling nakaalerto at maghanda para sa posibleng paglikas, dahil sa banta ng lahar o putik na mula sa bulkan na maaaring idulot ng malakas na ulan mula sa Tropical Depression (TD) Ada.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), inaasahang magdadala ng malakas hanggang matinding pag-ulan ang TD Ada sa Southern Luzon mula Enero 16 hanggang 17, 2026. Ang mga ulang ito ay maaaring magdulot ng mabilis na pagdaloy ng lahar na lubhang mapanganib sa mga pamayanang malapit sa dalawang aktibong bulkan.
Mga Lugar na Nanganganib
• Bulkang Mayon (Albay): Mi-isi at Binaan Rivers sa Daraga; Mabinit, Bonga, Matanag, Buyuan, at Padang sa Lungsod ng Legazpi; Lidong at Basud Rivers sa Sto. Domingo; at Masarawag, Maninila, at mga kalapit na daluyan sa Guinobatan.
• Bulkang Kanlaon (Negros): Bago City, La Carlota City, La Castellana, Moises Padilla, San Carlos City sa Negros Occidental, at Canlaon City sa Negros Oriental—lalo na ang mga nakatira malapit sa Ibid, Cotcot, Talaptapan, at Malaiba Rivers.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kumilos bago pa man tumama ang sakuna, inatasan ng DILG ang mga LGU na:
• Mahigpit na bantayan ang mga lugar na madaling tamaan ng lahar at ang lagay ng panahon.
• I-convene ang Local Disaster Risk Reduction and Management Councils (LDRRMCs) at magsagawa ng Pre-Disaster Risk Assessments na nakatuon sa lahar hazards.
• Ihanda ang mga evacuation centers at relief supplies upang matiyak ang kahandaan.
• Magpatupad ng preemptive o mandatory evacuations kung lalala ang sitwasyon at mataas ang panganib sa mga komunidad.
“Ang kahandaan ay nagliligtas ng buhay. Hinihikayat namin ang lahat ng lokal na punong ehekutibo na kumilos nang maagap at tiyakin ang kaligtasan ng mga pamayanan sa paligid ng Mayon at Kanlaon laban sa posibleng lahar na dulot ng Tropical Depression Ada,” diin ng DILG.
