Lolo

Lolo, 72, hinuli ng PNP-AKG sa kasog kidnap-for-ransom

Alfred Dalizon Jan 16, 2026
210 Views

ISANG 72-anyos na magsasaka na inaakusahan ng pagkakasangkot sa kasong kidnapping-for-ransom ang naaresto ng mga operatiba ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) sa isang hot pursuit operation noong Miyerkules sa Maguing, Lanao del Sur, iniulat ni PNP-AKG Director Brigadier General Glicerio N. Cansilao nitong Biyernes.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Abdullah” at itinuring na isa sa mga armadong lalaking nagbantay sa biktima ng kidnapping sa loob ng apat na araw na pagkakabihag.

Sa ulat kay acting PNP Chief Lieutenant Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., sinabi ng PNP-AKG director na naaresto ang akusado sa kanyang tirahan sa bayan ng Maguing pasado ala-una ng madaling araw nitong Miyerkules.

Ang pag-aresto ay naganap makaraang makatakas ang biktima ng kidnapping-for-ransom na nakilala lamang bilang “Nur” mula sa kamay ng mga dumukot at iulat ang kanyang sinapit sa AKG Mindanao Field Unit (AKG-MFU) Iligan Satellite Office.

Nakipag-ugnayan ang mga anti-kidnapping operatiba sa Lanao del Sur Police Intelligence Unit at sa Philippine Army 55th Infantry Battalion para sa pagsasagawa ng hot pursuit operation na nagresulta sa pagkakahuli ng akusado.

Ayon kay Cansilao, bago makatakas ang biktima, nagsampa ng reklamo ang kanyang pamilya sa AKG-MFU noong Enero 9, dahilan upang i-activate ang anti-kidnapping action team sa lugar.

Lumabas sa imbestigasyon na matapos dukutin ang biktima, ginamit ng mga kidnapper ang kanyang telepono upang tawagan ang pamilya at humingi ng P3 milyon na ransom kapalit ng kanyang ligtas na pagpapalaya.

Muling tumawag ang mga dumukot sa pamilya ng biktima noong Enero 8 upang ipaalala ang kanilang demand. Gayunpaman, nakatakas ang biktima mula sa hideout ng mga kidnapper noong Enero 13 at natagpuan ng mga awtoridad sa Brgy. Dilimbayan sa Maguing.

“This laudable accomplishment proves the resolute commitment of the AKG and its partner agencies for a relentless pursuit of lawbreakers and let them face the consequence of their acts,” ani Cansilao.