Calendar
Mga institusyon na magpapanagot sa mga tiwaling pulitiko hiniling na bantayan din
IGINIIT noong Biyernes si Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa publiko na hindi magiging epektibo ang laban kontra korupsiyon kung mahina ang sistema ng hustisya.
Ayon kay Pangilinan, hindi lamang mga halal na opisyal ang may pananagutan sa katiwalian kundi pati ang mga institusyong inaasahang magpapanagot sa kanila.
“This is not just a corruption issue. This is also a judiciary system justice issue. Mas malawak pa nga. Totoo may mga abusadong pulitiko, pero bakit hindi napaparusahan? Andiyan din ang pananagutan ng hudikatura,” pahayag ng senador sa isang panayam sa radyo noong Enero 16.
Bilang chair ng Senate Committee on Justice and Human Rights, binanggit ni Pangilinan ang mga nakaraang kaso kung saan may mga opisyal na nasangkot sa plunder ngunit kalauna’y naabsuwelto.
“Lahat tayo galit sa kurakot na pulitiko. Lahat tayo galit sa kurakot na public works pero nung inabswelto yung ilang mga nakasuhan ng plunder dati, para wala tayong galit sa mga mahistrado kasi ang puno’t dulo nito ay sa huwes mapupunta lahat ito. So, dapat bantayan natin,” aniya.
Nilinaw ni Pangilinan na hindi niya nilalahat ang mga miyembro ng hudikatura ngunit binigyang-diin ang pangangailangang masusing bantayan ang mga desisyong may malaking epekto sa publiko.
“Nung mga nakaraang mga absweltong kaso, sino ba yung mga huwes na iyon? Bakit hindi sila kilala? Bakit walang pangalan?” tanong niya.
“Pag pulitiko, kapag nasa public works, kilalang kilala, pero yung mga nagaabswelto sa mga hudikatura, hindi natin alam. So, dapat talaga maging vigilant ang ating mga kababayan at ang media sa hudikatura. Maging mapagbantay,” dagdag niya, habang sinipi ang mga naunang pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na may umiiral ding korupsiyon sa hudikatura.
Hinimok din ng senador ang Korte Suprema na papanagutin ang mga tiwali at abusadong huwes, kabilang ang pagtanggal sa serbisyo, upang magpadala ng malinaw na mensahe laban sa pang-aabuso sa kapangyarihan.
Ang mga pahayag ni Pangilinan ay ginawa kasunod ng anunsiyo ng Department of Justice na sina dating DPWH undersecretary Roberto Bernardo at dating DPWH Bulacan district engineer Henry Alcantara ay tinanggap bilang state witnesses sa imbestigasyon ng pamahalaan sa kontrobersiyal na multibilyong pisong flood control projects.
Ang kaso ay muling nagbukas ng diskusyon hinggil sa pananagutan ng mga opisyal at sa papel ng hudikatura sa paglilitis ng malalaking kasong may kinalaman sa korupsiyon at imprastraktura.
Nauna nang naghain si Pangilinan ng panukalang batas na lumikha ng Congressional Commission on the State of the Philippine Justice System upang suriin ang mga kakulangan sa sistema ng hustisya at magmungkahi ng mga repormang magpapalakas sa transparency at tiwala ng publiko.

