Abono

‘Di rehistradong abono binenta, 4 na nagbenta laglag

158 Views

APAT na suspek sa pagbebenta ng mga hindi rehistradong pataba o abono ang naaresto ng mga pulis sa Quezon City noong Huwebes.

Ayon kay Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) Executive Director Undersecretary Renato Paraiso, nadakip ang mga suspek ng mga miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) at Fertilizer and Pesticide Authority (FPA).

Kinilala ang dalawa sa nahuli na sina alyas Margie at Mary Jane bandang alas-6:30 ng gabi sa kanto ng Kamuning Road at EDSA sa Brgy. Kamuning.

Isa pang suspek, si alyas Realyn, ang dinakip dakong alas-7:20 ng gabi sa Quezon Memorial Circle habang ang ikaapat na suspek, si alyas Godfrey, naaresto bandang alas-4:15 ng hapon sa Mindanao Avenue sa Brgy. Talipapa.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong ilegal na pagbebenta ng pataba at pestisidyo kaugnay ng RA 10175.

Sinabi ni Paraiso na nag-ugat ang operasyon sa mga reklamong natanggap ng CICC hinggil sa ilegal na bentahan ng pataba at pestisidyo sa pamamagitan ng Facebook Marketplace.

Lumabas sa imbestigasyon na hindi rehistrado at walang lisensya mula sa FPA ang mga suspek upang magbenta o mag-repack ng mga produktong agrikultural.

Binigyang-diin ni Paraiso na tanging mga awtorisadong tindero lamang ang maaaring magbenta ng naturang produkto dahil sa mga kemikal na sangkap nito na nangangailangan ng tamang paghawak at imbakan.