LTO

LTO inimpound sasakyang nagpanggap na pang-diplomat

263 Views

INIMPOUND ng Land Transportation Office ang isang Volkswagen Jetta na gumagamit ng hazard blinker sa gitna ng trapik at umano’y nagpapanggap bilang diplomat car, bilang bahagi ng pagpapatupad ng pantay na batas trapiko para sa lahat ng motorista.

Isinagawa ang operasyon ng LTO sa ilalim ng pamumuno ni Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao. Ang nasabing sasakyan ay dati nang inisyuhan ng Show Cause Order (SCO) matapos mapansin ang kahina-hinalang paggamit ng blinker at maling representasyon bilang sasakyang diplomatiko.

Ayon sa LTO, kinumpiska ang sasakyan at lisensya ng driver dahil sa iba’t ibang paglabag, kabilang ang pagmamaneho nang walang updated na rehistro, kawalan ng tamang plaka, at paggamit ng hindi awtorisadong motor vehicle accessories.

Binigyang-diin ni Lacanilao na walang sinuman ang higit sa batas trapiko at hindi dapat ginagamit ang pagpapanggap o palusot upang makaiwas sa regulasyon. “Walang sinumang mas mataas sa batas trapiko. Hindi po tayo maaaring gumamit ng mga palusot tulad ng pagpapanggap na diplomat para makalusot sa mga regulasyon ng LTO. Ang mga patakaran natin ay inilaan para sa kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada at para tiyakin na lahat ay pantay-pantay sa harap ng batas,” ani Lacanilao.

Dagdag pa niya, patunay ang insidente na seryoso ang LTO sa pagpapatupad ng mga batas trapiko upang matiyak ang ligtas at maayos na daloy ng trapiko.

Sinabi ng LTO na kinakailangang sumunod ang may-ari ng sasakyan at ang driver sa lahat ng itinakdang proseso, kabilang ang pagbabayad ng multa at pagtugon sa mga paglabag, bago maibalik ang inimpound na sasakyan.

Ang hakbang ay bahagi ng patuloy na operasyon ng LTO laban sa mga paglabag sa batas trapiko, kasunod ng mga reklamo ng publiko hinggil sa maling paggamit ng blinker, pekeng plaka, at huwad na pag-angkin ng pribilehiyo sa mga kalsada.