Calendar
Pagbuwag ng Optical Media Board hiniling
NAGHAIN ng panukalang batas si Senador Sherwin Gatchalian na naglalayong buwagin ang Optical Media Board dahil hindi na umano angkop ang mandato ng ahensya sa kasalukuyang digital age.
Ayon kay Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Finance, ang Optical Media Board (OMB) ay nakatuon sa pagsugpo sa piracy na may kinalaman sa mga CD at DVD, na aniya’y hindi na epektibong tumutugon sa mga hamon ng makabagong teknolohiya.
“Designed for a disc-based piracy economy, the OMB is no longer the optimal agency to address the challenges of a digital age,” ani Gatchalian.
Dagdag pa niya, mas magiging episyente ang paggamit ng pondo ng gobyerno kung ilalaan ito sa mga ahensyang may kakayahang tugunan ang mga isyung kaugnay ng digital na ekonomiya. “Sa halip na panatilihin ang isang ahensyang ang mandato ay hindi na umaayon sa kasalukuyang panahon, mas mainam nang maglaan ng pondo sa mga ahensyang may kakayahang tumugon sa mga hamon ng makabagong teknolohiya at ng digital na ekonomiya,” aniya.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1654, ililipat sa Intellectual Property Office of the Philippines ang mga kapangyarihan, tungkulin, at yaman ng Optical Media Board. Nakasaad din sa panukala ang pag-absorb sa mga empleyado ng Secretariat ng mabubuwag na ahensya, nang walang mababawas sa kanilang mga sahod at iba pang benepisyo.
Batay sa panukalang batas, inaasahang magiging mas maayos ang pagpapatupad ng mga batas sa intellectual property, mas mapagtutuunan ng pansin ang digital piracy, at mas mapapalakas ang enforcement sa pamamagitan ng umiiral na awtoridad at mekanismo ng Intellectual Property Office of the Philippines.

