Calendar
Si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson habang ginigisa si dating Department of Public Works and Highways Secretary na si Manuel “Manolo” Bonoan sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Lunes.
Mga kuha ni JOSEPH MUEGO
Lacson umaming napikon kay Bonoan
MARIING kinuwestiyon ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang dating Department of Public Works and Highways Secretary na si Manuel “Manolo” Bonoan sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Lunes, kaugnay ng umano’y maling grid coordinates na isinumite para sa mga flood-control projects.
Sinabi ni Lacson na ang kanyang pagkadismaya ay nag-ugat sa mga pahayag ni Bonoan na tila minamaliit ang naging trabaho ng mga imbestigador ng Senado, partikular sa sinuring proyekto sa Oriental Mindoro na tinukoy ng komite bilang ghost project.
“Alam niyo Mr. Secretary, i-disclose ko lang noon ako unang napikon sa inyo because you are undermining the work done by my staff,” ani Lacson.
Binalikan ng senador ang pahayag ni Bonoan na mali umano ang grid coordinates ng Senate team na nagsagawa ng inspeksiyon sa C2DK flood-control project sa Oriental Mindoro.
“Sinabi niyo kaagad sa inyong interview, mali ang grid coordinates namin ng aking team na in-inspection namin na kinongklud namin ghost project sa C2DK, Oriental Mindoro. And we were very sure na hindi mali,” ani Lacson.
Ipinaliwanag ni Lacson na hindi umasa ang Senado sa datos mula sa Sumbong sa Pangulo, kundi sa opisyal na grid coordinates ng DPWH at sa beripikasyon mismo sa lugar.
“We relied on the DPWH grid coordinates and people on the ground. Kaya we were 100% sure na yung sinabi ko sa aking privileged speech na ghost project sa C2DK was really a ghost project,” dagdag niya.
Tinanong ni Lacson si Bonoan kung kailan niya unang nalaman na may mali sa mga grid coordinates na isinumite sa Malacañang noong Agosto 4 ng nakaraang taon.
“Between August 4 last year when you submitted the list of the grid coordinates to the Office of the President and now that we’re discussing it, kailan niyo unang na-realize na may mga maling grid coordinates?” tanong ni Lacson.
Ayon kay Bonoan, nalaman lamang niya ang isyu makalipas ang pagsusumite.
“After August 4 could be today. Well, I think a few weeks after when I already been able to validate actually yung existence of the ghost projects in Bulacan First Engineering,” sagot niya.
Nang tanungin kung sino ang nag-ulat sa kanya tungkol sa mali, sinabi ni Bonoan na ang regional office ng DPWH sa Region 3 ang nagbigay ng impormasyon.
“The regional office of Region 3, Your Honor,” ani Bonoan.
Humingi rin ng paglilinaw si Lacson mula sa dating DPWH undersecretary hinggil sa mga naging pag-uusap sa loob ng ahensiya at kung kailan ito naiulat sa Malacañang.
“I want to hear from Undersecretary Bernardo because in one of our private conversations, na-take up niya yan. Nasabi na sa inyo na mali po sir yung ating na-submit. When was that?” tanong ni Lacson.
Sinabi ng dating undersecretary na napag-usapan ito matapos maisumite ang listahan sa Sumbong sa Pangulo.
“I think after the submission ng sumbong sa Pangulo,” aniya, at tinantiyang ilang araw lamang matapos ang Agosto 4 iyon.
Kinuwestiyon ni Lacson kung bakit tila walang agarang hakbang upang bawiin o itama ang isinumiteng datos, lalo na’t una nilang pinuri ang Sumbong sa Pangulo bilang kapaki-pakinabang.
“Kailan nyo kinol yung attention ng Malacañang, ops i-recall muna namin kasi mali ang aming na-submit? Were there efforts in that regard?” ani Lacson.
Sinabi ni Bonoan na ipinaalam niya ang pagkakaiba ng coordinates sa Pangulo makalipas ang humigit-kumulang dalawang linggo.
“Two weeks after August 4 po yung kundito. And I told the President that there are certain differences between the coordinates submitted in this sumbong sa Pangulo,” aniya.
Sa hiwalay na tanong, tinanong si Bonoan kung personal niyang beripikado ang ulat hinggil sa mga ghost project bago ito i-report sa Pangulo.
“I went to the site myself together with people from the regional office and they pointed it out to me the location where they claim it’s already a project that was completed,” ani Bonoan. “I took some time actually to validate it asking people around… and they confirmed to me that these were old structures already.”
Tinanong din kung nagtungo ang Pangulo sa lugar matapos ang ulat.
“Yes, Mr. Chair,” sagot ni Bonoan.
Ang palitan ng pahayag ay bahagi ng patuloy na imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee sa mga umano’y anomalya sa flood-control projects sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang ang alegasyon ng ghost projects, maling ulat, at posibleng maling paggamit ng pondo ng bayan. Sinabi ng komite na magpapatuloy ang mga pagdinig at maaari pang maglabas ng karagdagang subpoena habang umuusad ang imbestigasyon.

