Calendar
Source: PTV
Bong Revilla ituturing na katulad ng lahat ng PDLs
MATAPOS ang kusang-loob na pagsuko ng dating Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr., tiniyak ni Kalihim Jonvic Remulla ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na walang ibibigay na espesyal na treatment sa dating senador.
Bagama’t malapit ang kanilang personal na ugnayan, binigyang-diin ni Kalihim Remulla na si Revilla, kasama ang iba pang akusado, ay ituturing na katulad ng lahat ng Persons Deprived of Liberty (PDLs) alinsunod sa batas.
“Matagal na kami magkaibigan. Pero tungkulin ang umiiral—walang eksepsiyon sa patakaran. Nung sinabi ng Sandiganbayan na siya ay aarestuhin, pinayuhan ko siya na ang pinakamainam ay ang mapayapang pagsuko,” pahayag ni Remulla.
Sa inilabas na commitment order ng Third Division ng Sandiganbayan, sa New Quezon City Jail Male Dormitory sa Payatas, Quezon City mananatili si Revilla.
“Tinitiyak ko na walang magiging espesyal na pagturing,” ani Remulla.
Kumpirmado rin ni Remulla na kanselado na ang lisensya ni Revilla sa pagmamay-ari at pagdadala ng baril alinsunod sa umiiral na mga regulasyon.
Nauna nang naipabatid sa kanya ang warrant of arrest at hold departure order kaugnay ng umano’y ₱92.8-milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan. Kabilang sa kaso ang anim na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon sa DILG Chief, anim sa pitong akusado ay nasa kustodiya na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at National Bureau of Investigation (NBI), habang isa pang opisyal ng DPWH ang nananatiling pinaghahanap.
Ang mga akusado ay nahaharap sa kasong graft at sa hindi maaaring piyansahan na kasong malversation of public funds sa pamamagitan ng falsification of public documents.

