Villafuerte

Pagkasira ng Andaya Highway pinaiimbestigahan ni Villafuerte

176 Views

PINAIIGTING ni Camarines Sur Gov. LRay Villafuerte ang panawagan para sa isang ganap at malalimang imbestigasyon sa lalong lumalalang pagkasira ng Andaya Highway, ang bahagi ng Camarines Sur ng estratehikong Quirino Highway na nag-uugnay sa Metro Manila sa Bicol, Visayas, at Mindanao.

Ayon kay Villafuerte, “Ang tila pabaya at matagal nang pagpapabaya sa Andaya Highway ay isa na namang patunay ng malawakang pandaraya at kawalan ng kahusayan sa DPWH (Department of Public Works and Highways) na matagal nang bumabalot sa ahensiyang ito bago ang pinakahuling pagbabago sa pamunuan na noong nakaraang taon ay nagluklok sa dating kalihim ng transportasyon na si Vince (Dizon) bilang pinuno ng ahensya.”

“Dahil sa depektibong istruktural na disenyo na lalo pang pinalala ng pira-pirasong rehabilitasyon sa paglipas ng mga dekada, nauwi ang Andaya Highway sa kasalukuyan nitong lubhang nakapangingilabot na kalagayan ng pagkasira. Panahon na para alamin ng pamahalaan kung bakit pinabayaan itong mangyari ng DPWH, sa kabila ng taun-taong yamang pondo at ekspertong hawak nito,” dagdag ni Villafuerte.

Matagal nang nananawagan ang nagbalik-serbisyong gobernador ng komprehensibong rehabilitasyon ng naturang pangunahing lansangan, maging noong siya ay tatlong terminong kongresista pa ng ikalawang distrito ng lalawigan.

“Maaaring isagawa ang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman motu proprio, o ng Kongreso, o ng ICI (Independent Commission for Infrastructure),” aniya. “Ang mahalaga ngayon ay maisagawa agad ang isang seryoso at walang paliguy-ligoy na imbestigasyon upang malaman kung sino ang nagpabaya, sino ang dapat managot, at kung paano masisiguro na hindi na mauulit ang ganitong pagkakamali.”

Ang motu proprio ay isang terminong Latin sa batas na nangangahulugang “sa sariling pagkukusa,” at tumutukoy sa isang opisyal na hakbang na maaaring isagawa nang walang pormal na kahilingan mula sa ibang partido.

Bilang pagkilala kay Pangulong Marcos, sinabi ni Villafuerte na may mga pagsasaayos na sinimulan sa Andaya Highway sa nakalipas na tatlong taon mula nang maupo ito sa puwesto.

“Sa nakalipas na tatlong (3) taon, nag-umpisa na ang improvement ng Andaya Highway mula nang maupo si PBBM. Wala dapat mag-claim ng kredito rito dahil ang kredito ay para sa ating Pangulo sa pamamagitan ni Sec. Vince na siyang magpapatupad ng proyekto. Kaya ang mga nagke-claim at nagsasabing sila ang magbabantay sa rehabilitasyon ay mas mabuting tumahimik na,” ani Villafuerte sa Facebook. “Una sa pila sa kredito, huli sa pila sa effort.”

Dagdag pa niya sa Facebook: “Ang Andaya Highway ay isang ehemplo ng sobrang korapsyon sa DPWH—ilang dekada na puro reblocking, ilang dekada na pira-piraso ang budget kaya nabubulsa lang ang pera.”

“Sa katunayan, dapat magkaroon ng full-blown investigation sa malawakang korapsyon noon sa Andaya Highway para tuluyang mabunyag kung sinu-sino ang may kasalanan at yumaman habang naghihirap ang mga tao,” aniya.

Sinabi rin ni Villafuerte na sa isang inspeksiyon noong Enero 16 upang suriin ang kalagayan ng Andaya Highway, nalaman ni Dizon mula sa DPWH na ang ugat ng problema ay ang depektibong disenyo ng kalsada kung saan pumapasok ang tubig sa ilalim ng istruktura.

Dagdag ng gobernador, itinuro rin nila at ng iba pang opisyal ng Camarines Sur kay Dizon ang sira-sirang kalagayan ng Mauca Bridge sa bayan ng Lupi, na nagbunsod sa kalihim na personal na inspeksiyunin ang tulay.

Ayon kay Villafuerte, tumayo si Dizon sa gilid ng tulay habang may dumaraang trak, at napamura umano ang kalihim matapos maranasan mismo kung paano umuuga ang tulay habang tinatawid ito ng sasakyan.