PUV

Bulok na PUV? Prangkisa nyo delikado — LTFRB

Jun I Legaspi Jan 23, 2026
148 Views

GUMAGAWA ng mga bagong policies ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magbabawal sa pag-renew ng prangkisa ng mga bulok na pampublikong sasakyan (PUV) sa buong bansa.

Binanggit ni LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II na layunin ng hakbang na mapabuti ang sistemang pampublikong transportasyon alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

“Magpapatupad tayo ng bagong proseso ng kumpirmasyon. Wala po tayong iko-confirm na prangkisa kung sira-sira ang sasakyan,” sabi ni Chairperson Mendoza.

Isinalaysay niya na minsang nakasakay siya sa isang jeep sa Visayas na may malaking butas sa gitna ng sahig ng pasahero, habang ang ilan namang jeepney sa Metro Manila ay may sirang at maruming upuan.

May mga drayber na nakikitang naka-sando, shorts, at tsinelas habang nagmamaneho, ayon sa LTFRB chairman.

“Hindi nararapat na maranasan ng mga Pilipinong mananakay ang ganitong uri ng transportasyon. Dapat silang igalang,” sabi ni Mendoza.

Ang LTFRB ay magsasagawa ng mas agresibong reporma na magsisimula sa mas mahigpit na inspeksyon at pagmamanman sa kalagayan ng mga PUV—mula jeepney at taxi hanggang pampasaherong bus.

“Kami sa LTFRB ay inatasan ng batas na i-regulate ang pampublikong transportasyon sa bansa, tiyakin ang road worthiness, masiguro na ang mga drayber ay may sapat na kakayahan at pagsasanay, at garantisado ang kaligtasan, kahusayan, at kaginhawaan ng ating mga pasahero,” paliwanag ni Mendoza.