Calendar
Babala ni Sen. Raffy: Brownouts malaking banta sa pambansang seguridad
ALARMADO sa negatibong idudulot ng sunod-sunod na brownout sa iba’t-ibang panig ng probinsiya, nagbabala si Senador Raffy Tulfo na ang laganap na brownout na ito ay magdudulot ng malaking banta sa pambansang seguridad.
Sinisi rin ni Tulfo na ang kapalpakan ng mga ahensya ng gobyerno na matugunan ang paulit-ulit na problema sa brownout ay maaaring makaapekto sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bansa.
“Ayoko pong dumating ‘yung panahon na magigising tayo sa isang umaga na iba na ang namumuno sa ating bayan dahil tayo ay nalusob na ng foreign elements dahil sa kapabayaan sa isyu of national concern,” aniya ni Tulfo.
Dagdag ni Tulfo na itse-tsempo lamang ng masasamang loob na gumawa ng terroristic act o criminal activity sa panahon ng unaanounced brownout, at maaring lusubin o i-overrun ng mga insurgents, terrorists at iba pang mga criminal elements ang mga police stations, military outposts, and other government facilities.
“Kaya kailangan nating tutukan at pigilan ang isyung ito na winalang bahala lang po ng ating kinauukulan, bago pa ito lumala,” dagdag pa ni Tulfo na namumuno sa Komite ng Enerhiya sa Senado.
Mula nang mahalal bilang Chairperson ng Komite ng Enerhiya, nakausap at napagsabihan na ni Tulfo ang ilang opisyales mula sa mga electric cooperatives, tulad ng ng Oriental Mindoro Electric Cooperative (ORMECO) dahil sa kapalpakan nilang ayusin ang problema sa kuryente sa kanilang nasasakupan.
Kamakailan lamang ay inihain niya ang Senate Resolution (PSR) No. 107 na naglalayong imbestigahan ang rotational blackouts at pagtaas ng singil sa kuryente sa bansa. Magsisimula na ang imbestigasyon ni Sen. Idol sa Senado nitong buwan.
Naalarma rin si Tulfo sa masamang epekto ng paulit-ulit at rotational brownout sa kalusugan at kaligtasan ng mga Pilipino, lalo na ang mga mahihirap.
“Malaki ang banta nito sa kaligtasan ng mga mahihirap nating kababayan, partikular na sa mga pasyente sa mga ospital, clinics, o centers na walang generator. Buhay ng mga pasyente na nasa kalagitnaan ng medical procedures ang nalalagay sa panganib tuwing magkakaroon ng unannounced brownout,” aniya Tulfo.
Muling iginiit ni Tulfo na gagawin niya ang kanyang makakaya para masolusyunan ang problema sa kuryente at protektahan ang seguridad ng bansa.
“Magmula nang naging Chairman ako ng Energy Committee, ang dami akong nakitang mga katiwalian sa enerhiya sa ating bansa and atin po yang ibubunyag sa mga darating na senate hearing and i will make sure na magkakaroon ng live coverage ang lahat ng mga pandinig para sa kaalaman ng publiko,” dagdag niya.