NIA

NIA rumemate, SDCS repair period advance ng 1 buwan

Steve A. Gosuico Feb 1, 2026
246 Views

LLANERA, Nueva Ecija–Tapos na ang repair ng Talavera River Super Diversion Canal Siphon (SDCS) sa Brgy. Ligaya at San Nicolas ng bayang ito at na-inaugurate na ng hepe ng National Irrigation Administration na si Engr. Eddie Guillen noong Pebrero 1 o isang buwan na mas maaga sa orihinal na iskedyul.

Tuloy na ang daloy ng tubig papunta sa mga sakahan mula sa SDCS.

Sinabi ni Guillen na magsisimulang dumaloy muli ang tubig irigasyon ngayong Pebrero para makatulong sa mga magsasaka para sa second dry cropping harvest.

Ang natapos na proyekto ay magpapanumbalik ng suplay ng irigasyon sa 39,748.93 ektarya ng lupa at makikinabang ang 26,335 na magsasaka.

Ang mabilis na pagkumpleto ng proyekto ay isinagawa sa ilalim ng mga direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nag-utos ng agarang pagkukumpuni at pagpapabilis ng nasabing proyekto.

Pinuri rin ni Guillen ang NIA-UPRIIS sa pangunguna nina Engr. Manuel at Engr. Roel Vegiga dahil “naihatid nito ang produkto ahead of time.”

Pinasalamatan din niya ang kontratista ng proyekto, ang Angel Builders and Construction Supply.

“Sigurado tayo na mas matibay itong ginawa natin ngayon kaysa doon sa orihinal, nakialam tayo sa disenyo nito,” sabi ni Guillen.

Ang Talavera River SDCS ay isang kritikal na bahagi ng UPRIIS network na naglilingkod sa Nueva Ecija, ang tinaguriang “Rice Granary of the Philippines.”