Calendar
Driver: Iyong bata buhat nila sa garahe, wala nang buhay
IDINETALYE ng driver, na isa sa tatlong suspek na naunang naaresto sa pagpatay kay PSMS Diane Marie Mollenido at sa 8-taong gulang niyang anak, ang krimeng ginawa umano ng dalawang kapuwa niya suspek.
Ayon sa kaniya, nangyari umano ang pagpatay sa mag-ina sa bahay mismo ng car dealer at asawa nito na isa umanong dating pulis sa Novaliches, Quezon City.
Tinawagan umano siya ng babaeng suspek at pinapunta sa kanilang bahay kung saan siya ay pinaistambay sa garahe. Maya-maya, may kumatok sa gate at dumating ang mag-asawa kasama ang mag-inang biktima. Pumasok umano ang mga ito sa loob ng bahay at agad na ni-lock ang pinto.
Maya-maya ay nagpatugtog umano ng malakas na musika sa loob ng bahay, at ilang minuto ang lumipas ay narinig niya ang putok ng baril.
Sumilip siya upang malaman kung ano ang nangyari, at doon niya nakita na wala nang buhay ang policewoman. Pinagbantaan daw siya ng mga suspek na siya ang isusunod kapag nagsalita siya sa awtoridad.
“Napakasakit po, iyong bata buhat buhat nila sa garahe, wala nang buhay. May mga anak din po ako,” saad ng biktima.
Mariing iginiit ng suspek na wala siyang kinalaman sa krimen at ginawa lamang niya ang inutos ng mag-asawa dahil sa takot.
Hindi na umano kaya ng kaniyang konsensiya kaya boluntaryo niyang inilahad ang nangyari.
Isinailalim na sa inquest proceedings sa Quezon City Prosecutor’s Office ang tatlong naarestong suspek sa pagpatay kay Mollenido at sa 8-anyos na anak nito.
Nahaharap sa kasong two counts of murder ang babaeng car dealer at ang asawa nito, na isang dating miyembro ng Philippine National Police.
Samantala, nasa kustodiya naman ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District si Police Senior Master Sergeant John Mollenido, ang asawa ng napaslang na policewoman, habang patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang kaniya umanong kinalaman sa pagkamatay ng kaniyang mag-ina.
Sa isang viral video ay idinawit siya ng babaeng suspek na sangkot umano siya sa nasabing krimen.
Sa isang statement ay nilinaw ng abogado ni PSMS John Mollenido na hindi ito inaresto kaugnay sa kaso ng pagpatay sa mag-ina.
“Our client voluntarily submitted himself and fully cooperated with the authorities in good faith, his apperance was an exercise of transparency and respect for due process and must not be misconstrued as an arrest,” ayon sa statement.

