Isko

Manila health centers may mga bagong gamit na

Edd Reyes Feb 2, 2026
143 Views

BINIGYAN ng mga bagong gamit medikal ang 44 health centers sa Maynila nina Mayor Francisco Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor Chi Atienza.

Layunin ng pagbibigay ng gamit na palakasin ang serbisyong pangkalusugan at kahusayan sa operasyon.

May kabuuang 300 units ng kagamitan ang ipinamahagi na kinabibilangan ng 100 ECG machines, 100 laptops at 100 printers na ipakakalat sa lahat ng mga health center sa lungsod.

“Pag binibisita ko kayo sa health center, pag na-cha-chamba ko may scotch tape na yung iba ninyong ECG machine.

At least you have now extra, dalawa bawat isang health center. Kwarenta’y kuwatro kayo. Tapos may itatabi pa tayong counting natira kung may nasira, kasi matagal ang akusisyon,” pahayag ng alkalde.

Napansin din ng alkalde na luma at wala na uso ang mga computer na ginagamit sa mga health centers na nagpapabagal sa kanilang trabaho kaya’t minabuti niyang bigyan ang mga ito ng bagong office equipment.

“Napapansin ko MS-DOS pa yata yung ibang computer natin. Minsan di ko na lang pinapansin, pero damang-dama ko. Kaya we are going to deliver 100 laptops to the health centers and 100 printers,” pahayag pa ng alkalde.