Holdap

Nagtangay ng taxi naipit sa traffic, huli

161 Views

ARESTADO ang isang kawatan matapos nitong holdapin at tangayin ang isang taxi na inabandona niya din matapos maipit sa matinding traffic sa Quezon City.

Sa pahayag ni QCPD Acting District Director PCOL Randy Glenn Silvio, ang suspek ay naaresto ng mga operatiba ng Cubao Police Station (PS 7) sa pamumuno ni PLTCOL Joy Leanza.

Batay sa imbestigasyon, bandang alas-6:50 ng umaga noong Pebrero 1, 2026, sumakay ang suspek sa isang taxi sa Road 3, Mindanao Avenue at nagpahatid patungong Araneta City. Pagdating sa Imperial Street, Barangay E. Rodriguez, bigla umanong nagbunot ng ice pick ang suspek at nagdeklara ng holdap laban sa 64-anyos na drayber.

Dahil sa takot ay nagawang tumalon palabas ng sasakyan ang biktima. Agad namang tinangay ng suspek ang taxi at tumakas.

Humingi ng tulong ang drayber at hinabol ng ilang motorcycle rider ang suspek. Naabutan ito ng mabigat na trapiko malapit sa Q-Mart, Quezon City, kung saan iniwan ng suspek ang sasakyan at tumakas. Agad naman siyang nakorner ng mga humahabol na motorcycle rider.

Ang insidente ay naispatan ng mga nagpapatrolyang pulis ng PS 7 na agad inaresto ang suspek.

Sa record check, lumabas na may dati nang kaso ang suspek kaugnay ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 noong 2014.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10883 o Anti-Carnapping Act of 2016 at isinampa ang kaso sa Quezon City Prosecutor’s Office.