Isko

Binondominium 2 groundbreaking dinaluhan ni Yorme, VM Chi

Edd Reyes Feb 24, 2026
150 Views

PINANGUNAHAN nina Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor Chi Atienza ang groundbreaking ng itatayong Binondominium 2 noong Martes sa Delpan St., San Nicolas, Manila.

Ang 15-palapag na bagong condominium-style ay itatayo sa 405 square-meter na lupa na may kabuuang floor area na 6,277.5 metro-kuwadrado.

May 98 residential units na bawat isa ay may sukat na 40-metro-kuwadrado na may dalawang kwarto, toilet, kitchen, dining area at sala.

May dalawa ring elevator ang gusali, isang office space, daycare center, multi-purpose hall, roof deck, at iba pang pasilidad.

“Ang mahirap sa pagiging iskwater, galing ka sa eskwelahan pag-uwi mo, hindi ka sigurado kung ’yung bahay mo nakatusok pa,” pahayag ng alkalde.

Ipinangako ng mayor noong unang manalo ang proyektong pabahay bagama’t naantala dahil sa pandemya kaya’t kinailangan niyang magdesisyon na mamuhunan ng malaki para matuloy ang pabahay para sa mga maralita.

Malaking tulong ang national government sa pamamagitan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. para sa konstruksyon ng bagong gusali ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM), Allied Health Sciences at ang planong bumili ng lupa para sa itatayong Tondo Hospital sa Tondo District II.