Calendar
Mabahong amoy nagturo sa fetus sa kisame ng hotel sa Cubao
SA inisyal na ulat ng QCPD Police Station 7, isang lalaking fetus na tinatayang nasa anim na buwang gulang ang natagpuan sa isang hotel sa Imperial Street, Barangay E. Rodriguez, Cubao, Quezon City, alas-8:00 ng umaga nitong Linggo (Marso 1).
Ayon sa report, nadiskubre ang insidente nang makapansin ng kakaibang amoy ang dalawang room attendant habang nililinis ang isang silid sa ikatlong palapag ng hotel.
Dito nila napansin ang isang pink na styrofoam na nakadikit sa kisame ng kuwarto. Inalis ito at dinala sa parking lot upang siyasatin.
Subalit nang buksan ng isa pang empleyado, bumulaga ang isang itim na garbage bag na naglalaman ng naturang fetus.
Agad namang ipinaalam ng pamunuan ng hotel sa barangay ang insidente, na siya namang nag-report sa pulisya.
Inilipat na sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang kaso para sa mas malalim na imbestigasyon.
Patuloy ang awtoridad sa pagtukoy kung sino ang responsable sa insidente.

