Tourist

800 tourist police ilalagay sa pangunahing PH tourist spots

148 Views

MAGDE-deploy ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng 800 tourist police officers sa mga pangunahing lugar ng turismo sa bansa upang higit pang palakasin ang seguridad at kaligtasan sa mga destinasyong dinarayo ng mga turista.

Ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, magsisimula ang deployment sa Abril matapos aprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa koordinasyon ng Department of Tourism (DOT).

“Inaprubahan ng Pangulo ang aking plano na simula Abril, ilulunsad natin kasama ang Department of Tourism ang tourist police,” ani Remulla.

Layunin ng inisyatiba na palakasin ang presensya ng pulisya sa mga mataong lugar, maiwasan ang kriminalidad, at matiyak ang mabilis na pagtugon sa mga emerhensiya, upang makalikha ng ligtas at kaaya-ayang kapaligiran para sa mga turista at lokal na negosyo.

Ang 800 tourist police officers ay bibigyan ng mga motorsiklo upang mas maging maliksi sa mataong lugar at sa mga malalayong tanawin.

Maglalaan ang Philippine National Police (PNP) ng mga bagong motorsiklo para sa deployment.

Kasama sa mga unang rollout sites ang Bonifacio Global City (BGC), Poblacion sa Makati, Boracay, Siargao, Cebu, Bohol, at Puerto Princesa.

Bukod sa seguridad, tutulong din ang tourist police sa pagpapalaganap ng pambansang emergency hotline upang matiyak na mabilis na makakakontak ang mga turista sa mga awtoridad sa oras ng pangangailangan.

“Bawat turistang darating sa Pilipinas ay bibigyan ng calling card ng 911. Para alam nila na may 3-minutong response time kahit saan sila sa bansa,” paliwanag ni Remulla.

Noong 2025, nakapagtala ang Unified 911 system ng 97 porsyentong response efficiency rate mula sa halos apat na milyong tawag sa buong bansa. Nakatulong din ito sa pagtugon sa mga insidente sa iba’t ibang destinasyong panturista, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos na bigyang-prayoridad ang kaligtasan sa turismo.

Binigyang-diin ni Remulla na ang pagpapalakas ng seguridad sa turismo ay may kaakibat ding benepisyo sa ekonomiya, partikular para sa middle class.

“Kapag pinabuti mo ang turismo, ang middle class ang nakikinabang. Sila ang pinakamalaking kontribyutor ngunit madalas na hindi nakikinabang nang sapat. Kailangan nating palakasin ang middle class at gawing mas maayos ang bansa,” aniya.