Scatter

Kelot di nagpahiram ng CP sa maglalaro ng Scatter, grinipuhan

Edd Reyes Mar 10, 2026
247 Views

TIMBOG ang suspek na sumaksak sa kanyang kalugar na tumangging magpahiram ng cellular phone matapos matunton ng pulisya Lunes ng hapon sa Caloocan City.

Hindi na nakapagkaila ang 52-anyos na suspek na si alyas “Lito” nang arestuhin ng mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth, matapos mahagip sa kuha ng CCTV ang ginawa niyang pananaksak sa 54-anyos na biktimang si alyas “Patrick” na nananatiling nakaratay sa Chinese General Hospital sanhi ng tinamong tama ng saksak sa dibdib at kaliwang tadyang.

Sa ulat na isinumite kay acting Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, Linggo ng alas-3 ng hapon nang magkaroon ng pagtatalo ang suspek at biktima matapos tumanggi ang huli na ipahiram sa una ang kanyang cellphone.

Ayon sa pulisya, gagamitin umano ng suspek sa paglalaro ng online gambling na Scatter ang cellphone ng biktima kaya hindi niya ito ipinahiram na dahilan ng kanilang mainitang pagtatalo na humantong sa pananaksak.

Kasong frustrated murder ang inihain ng pulisya laban sa suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.