OFW

342 Pinoy mula UAE handang tahakin bagong pag-asa sa ME

Jun I Legaspi Mar 15, 2026
131 Views

BAGONG pag-asa ang handang tahakin ngayon ng 342 Pinoy makaraang lumapag ang sinakyang charter flight ng Philippine Airlines sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal I dakong alas-syete nitong Linggo ng umaga.

Ang kasamang 328 overseas Filipino workers (OFWs) at 13 batang kapamilya ay sinalubong nina Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo J. Cacdac, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Patricia Yvonne Caunan, Department of Health (DOH) Undersecretary Gloria J. Balboa at mga kinatawan ng New NAIA Infra Corp. (NNIC), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang ahensya ng pamahalaan.

Agad na binigyan ng tulong ang mga dumating na OFW kabilang ang hotel accommodation, medical check-up, pagkain at transportasyon patungo sa kanilang mga probinsya. Makatatanggap din ang mga OFW ng tulong pinansyal.

Ito ang ikalawang charter flight ng pamahalaan na bahagi ng action plan na layong mas mapabilis ang tulong at pagpapauwi sa mga OFW na naiipit sa kaguluhan sa Gitnang Silangan, bilang pagtugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Nagmula ang mga Pinoy sa Al Khobar, Dammam at Riyadh sa Saudi Arabia at sa Bahrain at tumawid sila sa border sa pamamagitan ng land travel.