Gas

Tricycle drivers, banca owners may gas subsidy sa 2 bayan sa Cavite

Dennis Abrina Mar 17, 2026
336 Views
Gas1
Dumagsa sa mga gas stations ang daan-daang tricycles sa Maragondon, Cavite noong Martes para i-avail ang 5-liter fuel subsidy mula sa lokal na pamahalaan. Kuha ni Dennis Abrina

MARAGONDON, CAVITE–Namigay ng libreng gasolina sa mga tricycle driver at motor banca owners ang bayang ito sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa world market.

Umabot sa 494 rehistradong tricycle ang nakatanggap ng libreng 5 litro ng gasolina at mahigit 60 motor banca owners ang makatatanggap ng pera na katumbas ng 5 litro ng gasolina sa Masoh 20.

Ayon kay Kagawad Miguel Arca, chairman ng Committee on Tricycle Franchising and Regulations, ramdam ng lokal na pamahalaan ang bigat na dinadala ng mga tsuper dahil sa krisis sa langis na dulot ng gyera sa Middle East.

“Munting tulong po ito sa ating mga tricycle driver at banca owners. Ipagdasal natin na malampasan natin ang krisis na ito,” sabi ni Arca.

Mula sa sariling bulsa ng opisyal ang ayudang libreng gasolina na patunay ng malasakit sa mga manggagawa sa transport sector.

Sa Silang, Cavite, aabot sa 5,000 tricycle drivers na may prangkisa ang makakatanggap ng tig-P1,500 fuel subsidy mula sa kanilang lokal na pamahalaan sa Marso 19.

Layunin ng ayuda na maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina sa kabuhayan ng mga tsuper.